Default Thumbnail

Mayor Honey idineklara online class sa public schools

March 4, 2023 Edd Reyes 204 views

Sa gitna ng tigil-pasada mula Marso 6

IDINEKLARA ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na gawin muna ang “asynchronous” o online na paraan ng klase sa lahat ng antas ng pampublikong paaralan sa Lungsod ng Maynila simula Lunes, Marso 6 hanggang Sabado, Marso 11, 2023 bunga ng isasagawang tigil-pasada ng mga pampublikong transportasyon sa buong Kamaynilaan.

Isasagawa ang ganitong pamamaraan ng pagkaklase sa pamamagitan ng paggamit ng anumang digital platform bagama’t hindi kailangan ang palagiang mag-online dahil may mga materyales na ia-upload sa Internet na puwedeng ibigay ng guro o propesor sa mga estudyante upang i-download at mapag-aralan.

Hinimok din ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga pribadong paaralan na isagawa muna ang pamamaraan ng pagtuturo sa mga estudyante sa pamamagitan ng online sa loob ng isang linggong pagsasagawa ng tigil-pasada ng mga grupo ng pampublikong transportasyon.

Nauna rito’y ini-anunsiyo muna ng alkalde sa kanyang “The Capital Report” na programa na napapanood ng live sa opisyal na Facebook account ng Manila City Hall, Biyernes ng hapon ang implementasyon ng “Oplan: Libreng Sakay” bilang tugon sa isasagawang welga ng grupo ng pampublikong transportasyon na magsisimula sa araw ng Lunes, Marso 6, 2023.

Inatasan ng alkalde ng Manila Police District (MPD), Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), at Manila Disaster Risk Reduction & Management Office (MDRRMO) na magpakalat ng mga sasakyan na magagamit ng mga pasaherong magtutungo sa kanilang mga trabaho at uuwi sa kanilang tahanan.

Kaugnay nito, idineklara na rin ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval nitong araw ng Sabado (Marso 4) na gawing online o modular mode ang klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pampribadong paaralan simula rin sa Lunes, Marso 6 hanggang Sabado, Marso 11, 2023.

Ang deklarasyon ni Mayor Sandoval ay bunga na rin ng isasagawang tigil-pasada ng mga pampublikong transportasyon makaraan ang ginawa nilang konsultasyon at pakikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) Malabon.

AUTHOR PROFILE