Default Thumbnail

Mt. Samat bobongga, magkakaroon ng colonnade, drinking fountain

December 10, 2023 Christian D. Supnad 198 views

MT. SAMAT, Bataan–Pagagandahin ng Bataan ang Mt. Samat at magkakaroon din ng Center for World War II studies at iba pang proyekto.

Maliban dito, sinabi rin Gob. Joet Garcia na napakaraming nakasalang na proyekto sa Mt Samat na kapaki-pakinabang sa mga turista at bibisita rito.

Ayon kay Mt. Samat Flagship Tourism Enterprise Zone (FTEZ) Administrator Francis Initorio, patuloy ang konstruksyon ng mga palikuran, colonnade, daan patungo sa krus, pagsasaayos ng museum at pagpapailaw sa shrine.

Magkakaroon din ng drinking fountains at telecommunication system ang Mt. Samat, ayon sa opisyal.

Madaragdagan pa ang konstruksyon mula Enero hanggang Marso ng 2024 kaya’t may mga piling lugar na maaaring hindi pa mapuntahan ng mga bibisita sa Mt. Samat.

Sa pulong na pinangunahan ni Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) Undersecretary Reynaldo Mapagu kasama si Mayor Charlie Pizarro ng Pilar, inilahad ng mga kawani ng Mt. Samat FTEZ ang plano na magkaroon ng Center for World War II Studies, Electric Vehicle Service paakyat sa Dambana ng Kagitingan, Pocket Parks, Glamping Area at marami pang iba.

“Ngayon pa lamang nagpapasalamat na ang pamahalaang panlalawigan ng Bataan sa PVAO, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, Department of Tourism at Department of Public Works and Highways sa mga proyektong ito,” ani Gob. Garcia.

Ang Mt. Samat o Dambana ng Kagitingan ang pinakapaboritong pasyalan ng mga turista dito dahil sa kasaysayan nito.

Maliban sa makasaysayang lugar na ito, idineklarang historical site ang Mt. Samat dahil sa ganda ng tanawin na matatanaw ang parte ng Metro Manila, Manila Bay, Corregidor Island, Pampanga at Bulacan.