
Motorsiklo sumagi sa trak rider nagulungan, pisak
PATAY ang 54-anyos na rider nang magulungan ng trailer truck matapos sumagi ang minamaneho niyang motorsiklo sa unahang gulong nito noong Miyerkules ng gabi sa Navotas City.
Hindi na umabot ng buhay sa Tondo Medical Center ang biktimang si Ramon Sapinosa, ahente ng Small Town Lottery (STL) at residente ng Blk 50 Lot 9, Babanse St., NBBS Kaunlaran dahil sa tindi ng injuries na tinamo sa katawan.
Naaresto naman nina P/SSg Saidamen Batog at P/Cpl Salvador Miguel Jr. ng Navotas Police Sub-Station 3 ang driver ng trailer truck (NBK1066) na si Jude Jentalan, 30, ng Saint Rose 3, Brgy San Antonio, Biñan City, Laguna.
Nahaharap ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Lumabas sa pagsisiyasat ni Navotas police traffic investigator P/SSg Edison Mata na parehong tinatahak ng dalawang sasakyan ang M. Naval St. sa Brgy. Bangkulasi dakong alas-9:20 ng gabi nang sumagi ang motorsiklo sa kanang gulong sa unahan ng trak.
Nagulungan ng trak ang biktima na dahilan ng mabilis na pagkamatay nito.