Default Thumbnail

Miyembro ng DI-MG, sumuko sa Lanao del Sur

December 22, 2022 Zaida I. Delos Reyes 321 views

SUMUKO sa tropa ng militar ang isang miyembro ng Daulah Islamiyah- Maute Group (DI-MG) sa Lanao del Sur.

Kinilala ni Western Mindanao Command (Wesmincom) spokesperson Lt. Col. Abdurasad Sirajan ang nagbabalik-loob na terorista na si alyas “Mas’od”.

Ang suspek ay sumuko sa mga tauhan ng 51st Infantry Battalion (IB) nitong nakalipas na Disyembre 19, 2022.

Isinuko din ni alyas Mas’od ang kanyang 7.62 mm rifle kay Lt. Col. Angestal Angeles, commanding officer ng 51st ID.

Ayon kay Joint Task Force ZamPeLan Commander Brig. Gen. Antonio Nafarrete, ang pagsuko ni Mas’od ay bunga na rin ng pinaigting na “focused military operations” ng militar sa lugar.

Sa record ng militar, ang suspek ay dating miyembro ng 124th Base Command, NWMF ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Siya ay itiniwalag ng kanyang MILF commander nitong 2019 dahil sa kanyang pagkakasangkot diumano sa DI-MG.

Pinuri naman ni Brig. Gen. Arturo Rojas, acting commander ng Western Mindanao Command ang tropa ng JTF ZamPeLan dahil sa tagumpay ng kanilang operasyon sa panghihikayat sa mga rebelde na magbalik loob sa gobyerno.