Default Thumbnail

Misis sinuntok, sinaksak sa tyan ng dating mister

May 2, 2021 Melnie Ragasa-limena 349 views

MALUBHANG nasugatan ang isang 40-anyos na ginang makaraang suntukin at saksakin sa tiyan at braso ng dating mister sa Riverside Market sa Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Marissa Laguardia, 40, kasambahay at ex-misis ng suspek na si Pedro Laguardia, 40, vendor, at kapwa naninirahan sa 127 Unit 3, Riverside, Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Sa report nina PSMS Mary Jane R Balbuena at PCpl Michelle Ram C Dela Paz, ng Women and Children Protection Desk, bandang alas-9:30 ng gabi (May 1), nang maganap ang insidente sa Riverside Market, Brgy Commonwealth, QC.

Batay sa imbestigasyon, galing sa trabaho ay pauwi na umano ang biktima sa kanilang tahanan nang sumulpot sa kaniyang likuran ang dating mister na armado ng patalim.

Nagulat na lamang umano ang misis ng bigla siyang suntukin sa mukha at tiyan ng ex-mister. Hindi pa nakuntento ang suspek ay inundayan pa ng saksak sa kaliwang braso ang biktima.

Agad namang naawat ang nagwawalang suspek ng mga istambay sa palengke.

Kinabukasan (May 2) ay nagtungo ang biktima sa Batasan Police Station at inireklamo ang ex-mister kaya agad namang dinakip nina PCpl Bryan Dave Garcia at PCpl Mark Christopher Adrigado.

Nakapiit na ang supek at inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9262 (Physical Abuse)