Jolo

Misis ni Jolo, nagkaroon ng komplikasyon sa panganganak

February 3, 2024 Vinia Vivar 113 views

Jolo1Ni-reveal ni Cavite 1st District Representative Jolo Revilla ang hirap na pinagdaanan ng asawa niyang si Angelica Alita-Revilla sa pagbubuntis sa kanilang panganay na anak hanggang sa pangananak at pagkatapos magsilang.

Sa kanyang Instagram post, ikinuwento ng anak ni Sen. Bong Revilla na nakaranas ng high risk pregnancy ang asawa at kinailangang dalhin sa US kung saan nga ito nagsilang ng isang malusog na baby girl noong January 30.

Nag-post ng mga video at larawan si Jolo habang nagle-labor si Angel hanggang sa makapanganak ito.

“Matapos ang siyam na buwang pagdadalang-tao ng aking maybahay na si Angel Revilla, isang munting anghel na ibinigay na biyaya sa amin at isinilang niya ang aming baby girl, Lauren Angela Revilla. Siya ay pinanganak noong Jan 30, 2024, 9:28PM na may timbang na 7 pounds and 12 ounces na may haba na 21 inches. Isinilang siya sa Los Angeles, USA.

“Si Angel ay nakaranas ng high risk pregnancy. Sa panahon na kami ay regular na nagpapa-check-up, napag-alaman na mayroon siyang circumvallate placenta, ito ay abnormalidad sa placenta na siyang bumabalot sa sanggol habang siya ay nasa sinapupunan na nagdulot ng mataas na chance of complications tulad ng preterm delivery at placental abruption, at ayon sa mga eksperto maaaring ikamatay ng sanggol sa loob o kakailanganin ng emergency cesarean kapag siya ay ipapanganak na.

“Sa awa ng Diyos ay naisilang ng full term ang aming anak. Malusog at walang komplikasyon. Yun nga lang, ang aking maybahay na si Angel ay nagkaroon ng komplikasyon na nagdulot ng walang tigil na pagdugo na kinailangan pang salinan siya ng dugo matapos niyang ipanganak si Baby LA. Walang pagsidlan ang aking takot at kaba at pakiramdam ko ay iiwan na kami ng aking asawa. Pero mahal kami ng Diyos, milagrong nalagpasan namin ang paghihirap ni Angel, nilabanan niya din ang kanyang kalagayan at ngayon ilang araw na ang nakalipas siya ay patuloy nang nagpapalakas,” ang bahagi ng caption ni Jolo.

“Talagang anghel para sa amin ang aming anak, hulog ng langit sa amin kaya naman pag-iingatan at mamahalin naming mabuti ang biyayang pinagkaloob sa amin. Masayang masaya kami gayundin ang aming buong pamilya.

“Kami ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng nagdasal, sumuporta at sumama sa aming journey bilang pamilya. Ramdam namin ang inyong malasakit at pagmamahal,” patuloy niya.

Nagbigay dn siya ng mensahe sa kanilang baby girl.

Aniya, “Sa aming anak, Baby LA, mahal na mahal ka namin ni Mommy Angel aalagaan at papalakihin ka namin nang puno ng pagmamahal.

We love you!”

Sa video ay makikita ang matagal na pagle-labor ni Angel at talagang hindi siya iniwan ni Jolo hanggang sa mailabas ang kanilang baby.

Mapapanood din sa video na after giving birth ay hindi pa natapos ang pagdurusa ni Angel dahil dinugo raw ito at nawalan ng two liters of blood kaya kinailangan ng blood transfusion.

Makikita rin sa video na kasama nila ang ina ni Jolo na si Congresswoman Lani Mercado para alalayan silang mag-asawa sa pagsisilang ni Angel.

Thankfully ay naka-recover na ang misis ni Jolo at makikita sa dulo ng video na palabas na sila ng ospital.

AUTHOR PROFILE