Taga

Misis kinatay ni mister

April 29, 2023 Zaida I. Delos Reyes 211 views

Gamit ang bagong hasang itak

PINAGTATAGA hanggang sa mapatay ng dating pulis ang kaniyang asawa sa loob mismo ng kanilang bahay nitong Biyernes sa Zamboanga.

Dead on the spot bunga ng maraming taga sa katawan at leeg ang biktimang si Nasra Jamih Tikbuan, 36-anyos.

Nahaharap naman sa kasong parricide ang suspek na si Zaldy Jama Tikbuan, 50-anyos, isang retiradong miyembro ng Philippine National Police.

Sa ulat, sinabi ni P/ Major Shellamie Chang, spokesperson ng Police Regional Office 9, naganap ang insidente dakong 6:30 ng umaga sa tahanan ng mag-asawa na matatagpuan sa Sampaloc Drive, Baliwasan Chico, Barangay Baliwasan ng nasabing siyudad.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, narinig ng kanilang mga kapitbahay na nagtatalo ang mag-asawa.

Sa gitna ng mainitang pagtatalo ay kinuha ng suspek ang bagong hasa nitong itak saka pinagtataga ang misis na pinapuruhan sa leeg hanggang sa duguan itong bumulagta.

Nang mapagtantong napatay ang kaniyang asawa ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Hinala ng pulisya, selos ang posibleng dahilan kung bakit nagawa ng suspek ang krimen.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen at tinutugis na rin ang suspek upang panagutin sa batas.