Quiboloy

Mga senador kay Quiboloy: Dapat kang humarap sa’min

March 3, 2024 PS Jun M. Sarmiento 123 views

DUMARAMI ang mga senador na nagsasabing dapat ng humarap sa Kongreso ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KoJC) na si Pastor Apollo Carreon Quiboloy para mabigyan siya ng karapatan na ihayag ang kanyang panig sa gitna ng mga kontrobersiya na kinaharapa niya.

Pinararatangan ng pang–aabuso at panggagahasa ng mga miyembro ng kanilang religious organization, na karamihan menor de edad, si Quiboloy.

Ayon kay Sen. Joseph Victor JV Ejercito, ito na ang tamang panahon para humarap na rin siya para matapos na ang usapin.

“Maganda rin na marinig naman natin ang kanyang panig,” ani Ejercito

Sinabi rin ni Ejercito na bagamat may separasyon ang simbahan sa gobyerno, ginagawa ang ganitong mga imbitasyon upang liwanagin ang anumang sigalot at usapin.

Si Sen. Imee Marcos naman ay nagsabi rin na isang nakalulungkot na pangyayari ang ganitong kaganapan at inilarawan niya si Quiboloy na isang mabait at matulungin na tao.

“Mabait siya sa atin at higit sa lahat ay tumutulong sa napakarami. Sana maayos na lang ito” paglalahad ni Sen. Marcos.

Para naman kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, naniniwala siya na maraming kaibigan si Quiboloy sa Senado at wala raw umano itong dapat ipagamba sakaling magdesisyon ito na haharap na sa committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros.

Ayon pa kay Pimentel, sigurado siyang magiging patas ang pagdinig at igagalang ang karapatan ni Pastor Quiboloy na taliwas sa agam-agam na babastusin lamang siya at aalisan ng karapatan sa nasabing pagdinig.

Bago pa rito, nagsabi rin si Sen. Sherwin Gatchalian na dapat lamang harapin ng sinuman ang imbitasyon ng Senado sa anumang pagdinig sapagkat ito ay nakasaad ng maliwanag sa saligang batas.

Matatandaan na pinayuhan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Quiboloy na humarap ito sa susunod na pagdinig ng Senado sa Marso 5, 2024.

Para naman kay Sen. Hontiveros, binalaan niya si Quiboloy na bigyan respeto ang pagdinig sa pamamagitan ng pagsipot sa Marso 5.