Default Thumbnail

Mga pakinabang natin sa mga batas ni Senador Ed Angara

May 15, 2023 Allan L. Encarnacion 267 views

Allan EncarnacionKAMATAYAN pala ni dating Senate President Edgardo Javier Angara nitong nakaraang Sabado, Mayo 13.

Taong 2018 nang pumanaw si Sen Ed na maituturing na isang mambabatas na nagkaroon ng malaking bahagi sa parte ng ating mga buhay bilang mga Pilipino.

Mula sa libreng edukasyon, benepisyo ng mga senior citizens, pagpapalawak at paglalakas sa Tesda, pagkakaloob ng mga benepisyo sa mga guro, pagsusulong ng batas para sa breast feeding, pagtiyak sa food security sa pamamagitan ng komprehensibong agricultural program at iba pang mga batas na pinakikinabangan natin ngayon.

Halimbawa na lamang ay Philhealth. Kaya maraming Pilipino ang nakikinabang ngayon sa Philhealth, yan ay dulot ng mismong batas na iniakda ni Senador Ed noon pang 1995. Ito iyong nagpababa sa ating mga hospital bills, mayaman ka man o mahirap.

Marami ang hindi nakakaalam, si Senador Ed ang chairman ng Congressional Commission on Science, Technology and Engineering o Comste na naging daan para magkaroon ng Philippine Genom Center sa UP Diliman. Ang Genom center ay gumanap ng malaking papel sa gitna ng pandemya dahil doon sinusuri ang COVID virus noong mga unang buwan na lumikha ito ng takot sa ating lahat.

Speaking of pandemic, ngayon ko lang naisip na may pagka-manghuhula pala itong si Sen Ed. Siya pala ang nagsulong ng telemedicine.

Nang isulong ni Senador Ed ang telemedicine, ang layunin niya ay maabot ng duktor ang mga kalusuluk-sulukan ng bansa. Iyong tipong hindi mo na kailangang bumiyahe para komunsulta, lalo na iyong mga mahihirap nating kababayan.

Nang balutin ng pandemya ang buong mundo, telemedicine lang ang naging paraan ng maraming gustong komunsulta dahil bawal naman ang physical presence sa mga ospital at clinic. Kaya nga iisipin mo rin kung anong klase ng 3rd eye mayroon itong si Sen Angara para maisulong ang remote medical consultation via teleconference sa pamamagitan ng mga gadtets.

Noong 2012, isinulong din ni Sed Angara ang virtual classroom. Sagot naman ito ni Angara sa kakulangan ng classroom sa maraming parte ng bansa kaya ipinanukala niya ang online classes. Gusto ni Angara noon na palawakin ang interconnectivity ng kuryente at ng internet para nga iyong classroom backlogs ay magkakaroon ng solusyon, lalo na sa mga liblib na lugar sa bansa.

Namatay si Senador Sedja noong 2018 pero makalipas lang ang dalawa hanggang tatlong taon nang siya’y pumanaw, lahat ng anak natin ay nasa virtual class room dahil sa pandemic. Sinong mag-aakalang noong panahong ipinapanukala pa lang ito ng matandang Angara ay magkakaroon pala ng pandemic at magagamit natin ang mga sinasabi niyang virtual class at telemedicine?

Kaya din pala tayo may National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at National Museum at National Heritage Act ay dahil sa pagsasabatas ni Senador Angara. Ito iyong mga opisinang nagpapahalaga sa ating mga kasaysayan, sining at mga historical sites ng bansa.

Nakapanghihinayang dahil hindi naging Presidente ng bansa itong si Senador Ed Angara. Forward thinking at totoong vissionary. Alam lahat ang mga dapat gawin para sa kapakinabangan ng bansa sa hinaharap.

Kunsabagay, sabi nga, hindi naman malalayo ang bunga sa kanyang puno. May pag-asa pa tayo sa isang Angara, iyong anak na nasa Senado.

Iyong talas ni Sed Ed ay mukhang namana naman ng kanyang anak na si Senador Sonny Angara na nag-akda ng maraming batas na bahagi na rin ng buhay natin ngayon.

Ang isang may national significance at timely ay Anti-Bullying Act of 2013. Palasak ang bullying mula sa mga paaralan hanggang sa ating mga work place kaya malaking tulong ang batas na ito ni Sen Sonny.

Si Sen. Sonny rin ang nasa likod ng Tax Exemption for Minimum Wage Earners Law, Ammended Family Code of the Philippines na nagbigay ng pantay karapatan sa mga illegitimate children, Kindergarten Education Act at libreng edukasyon para sa lahat.

Si Sen. Sonny ang author ng Anti-Covid Act ng bansa na naisabatas sa gitna ng pandemya. Pati ang ating Natonal Bugdet ay ang batang Angara rin ang nagdepensa hanggang sa ito ay maisabatas.

Maraming significant laws ang ating pinakikinabangan ngayon sa tulong ng mag-amang Angara kaya nga malaking bagay kung may ganyan ka-brilliant tayong mga mambabatas na naiboboto sa senado at kongreso sa tuwing may eleksiyon.

Nakakapanghinayang lang dahil last term na ni Senador Sonny Angara sa 2025. Bagama’t naniniwala tayong magagamit ni Marcos administration ang expertise niya sa maraming bagay na magpapaunlad sa ating bansa kapag natapos na ang kanyang termino sa Senado.

[email protected]