Heaven Heaven Peralejo

Mga nakakakilabot na karanasan ng mga artista ng ‘Lilim’

February 17, 2025 Eugene E. Asis 229 views
Eula
EulaValdes
Ryza
Ryza Cenon

MGA totoong naganap na kababalaghan ang napagkuwentuhan ng mga artista ng pelikulang ‘Lilim’ ng Viva Films sa nakaraang presscon nito.

Ayon sa bidang si Heaven Peralejo, nagkaroon siya ng karanasan sa dati niyang tinitirhang condominium. Kuwento niya, gabi-gabi raw siyang binabangungot doon.

“Yung tipong sumisigaw ako kapag nagigising. Yung ang hirap gumising tapos parang naninigas yung mga paa mo. Sabi ko, bakit kaya nangyayari ‘yun sa ‘kin?#22 sa balota

“Kaya naiinis na ko, kasi hindi na talaga ako makatulog na mag-isa kasi baka bangungutin na naman ako,” patuloy ni Heaven.

Naalala niya na may third eye ang lola niya kaya kinausap niya ito para tingnan ang condo. And true enough, sabi ng kanyang lola, may isang lalaki raw na nakita ang kanyang lola na nakatayo sa gilid ng kanyang kwarto.

“Sa corner pala ng kwarto ko kung saan ako naka-face, may lalaki raw na nakatingin lang. Sabi ko, ‘Ha?! Sino yun?’ So after nu’ng nalaman ko ‘yun, tumaas talaga ‘yung balahibo ko.

“And then, umalis na ako sa condo, kasi hindi ko na kaya,” pag-alala ni Heaven.

Ayon naman kay Ryza Cenon, totoong may third eye siya at nakakakita at nakakaramdam ng kung anu-anong nilalang at elemento lalo na kapag nasa taping o shooting.

Kaya kapag may nakikita siya, kinakausap daw niya ang mga ito at humihingi ng sorry kung nabubulabog o naiingayan sila. Effective raw naman ang ginagawa ng aktres para hindi siya saktan o gambalain ng mga naturang supernatural beings.

Kuwento naman ni Eula Valdez, maraming beses na raw siyang naka-experience ng mga kababalaghan. Kabilang na raw sa mga nagpaparamdam sa kanya ang mga hindi matahimik ng kaluluwa.

Yun ang dahilan kung bakit hindi siya nagpupunta sa mga burol ng patay. “Pag-uwi ko kasi, may mga sumusunod sa aking kaluluwa.” kuwento niya na kinikilabutan .

Minsan naman daw ay nakita niya ang dalawa niyang maid na may lalaki sa gitna ng mga ito pero hindi naman daw ito nakikita ng dalawa.

“Kapag taping, may mga nakikita ako na nasa puno na mga itim and mga mata nila, umiilaw,” kuwento pa ni Eula.

Kinakausap lang daw niya ang mga ito na huwag manggugulo. “Marami pa (karanasan sa supernatural), nasanay na lang ako.”

Kahit ang direktor ng ‘Lilim’ na si Direk Mikhail Red ay may kuwento rin tungkol sa lumang painting na ginamit nila sa shooting ng “Lilim.” Larawan ito ng isang babae na kakaiba ang mga mata.

Sabi ni Direk Mik, pakiramdam daw niya ay may sumpa ang naturang painting kahit bago lang ito. Natatakot daw ang mga batang kasama sa pelikula kapag tumitingin doon at may kakaiba raw silang nararamdaman sa set.

“Kinailangan naming sunugin (ang painting) dahil may mga nadi-disturb nang mga bata. May bad vibes ‘yung painting,” saad pa niya.

May kasabihan nga na kapag gumagawa ng isang horror film tulad ng ‘Lilim’, kinakailangang magpamisa muna ang mga nasa likod nito. May mga hindi maipaliwanag na pangyayari na nagaganap sa mga taong involved dito, artista man, prodyuser o direktor. Wala namang masama kung magiging maingat ang sinuman.

AUTHOR PROFILE