
Direk Lino Cayetano parang telenovela ang pinagdadaanan
BALIK-pulitika ang director at producer na si Direk Lino Cayetano, na tatakbo bilang kinatawan ng Taguig sa Kongreso sa halalan ng Mayo 2025.
Ayon kay Direk Lino, parang telenovela ang nangyayari sa kanya ngayon dahil iba ang sinusuportahan ng kanyang kapatid na si Senator Alan Cayetano.
Aminado si Direk Lino na nagulat siya nang dalawang beses siyang magbigay- daan sa kagustuhan ng kanyang hipag na si Laarni “Lani” Lopez Cayetano na bumalik sa pwesto bilang mayor ng Taguig City noong 2022 at ngayong 2025. Inaasahan niyang susuportahan siya ng kanyang kapatid sa kanyang desisyon na tumakbo bilang kongresista, ngunit iba rim ang naging
kinalabasan.
“Naniniwala ako na maganda ang intensyon namin pareho ni Mayor Lani at Kuya Alan, pero may mga tao talagang may sariling ineres na pilit kaming pinag-aaway. Kilala ako bilang independent-minded sa aming magkakapatid at hindi basta-basta sumusunod; pinag-aaralan ko ang bawat desisyon ko,” sabi ni Direk Lino.
Marahil ito rin ang dahilan kung bakit hinangaan ang Taguig noong pandemya at tinaguriang Model City ng DOH, MMDA, at ng private sector. Bukod sa mga health centers at drive-thru testing, nanguna ang Taguig sa pagbabakuna at naging isa sa mga nanguna sa pagbabalik ng mga sinehan at pagbangon ng industriya ng entertainment.
Sa industriya ng pelikula, kilala si Direk Lino bilang isang producer na naniniwala sa partnerships. Ang kanyang kumpanya, Rein Entertainment, ay nakipag-partner na sa ABS-CBN, iflix, GMA, Viva, at ngayon, sa pelikulang Caretakers kasama ang Regal Films.
“Naniniwala ako sa kahalagahan ng partnerships. Noong panahon ng pandemya, naging partner ko ang ilang mga mayor na hindi ko kasama sa politika. Bilang producer, saksi ako na kahit ang mga magkakaribal na produksyon ay nagsama-sama para sa ikabubuti ng nakararami,” sabi ni Lino.
Tulad ng kanyang upcoming horror movie na Caretakers, na pinagbibidahan nina Iza Calzado at Dimples Romana, sa direksyon ni Shugo Praico, naniniwala siya na sa huli, lahat tayo ay dapat
magtulungan.
“Kasi lahat ng ginagawa natin—ginagawa natin hindi lang para sa atin, kundi para sa susunod na henerasyon,” wika ni Direk Lino.