
Mga ‘hugot’ na awitin ng Aegis mahirap mawala
KILALANG-kilala ang boses ng namayapang si Mercy Sunot ng grupong Aegis.
Kaya naman, nang mawala ito, marami ang nag-iisip na wala na rin ang grupo.
Pero dahil halos ganito rin ang timbre ng boses ng kanyang mga kapatid na sina Juliet at Ken, sinisiguro nilang mananatili sila sa eksena. At ang kanilang pagpapatuloy bilang banda ay bilang pagpaparangal na rin sa mga gusto ni Mercy para sa grupo.
Pagkatapos mamaalam ni Mercy noong November 2024 sa edad na 48, buo pa rin ang grupo na kinabibilangan nina Juliet Sunot, Ken Sunot, Rey Abenoja, Stella Pabico, Rowena Adriano at Vilma Goloviogo. At wala silang balak na kumuha ng kapalit ni Mercy sa grupo.
“Forever siya sa Aegis, walang mapapalitan,” ani Juliet sa press conference para sa nalalapit nilang concert na “Halik sa Ulan (A Valentine Special)” na magaganap sa February 1 and 2 sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.
Ito rin ang panahon na humuhugot sila ng lakas sa isa’t isa ngayon.“Kung sinabing pilay [na ang Aegis], pilay na talaga noong nawala si Mercy. Nasanay na kami na kapag may concert, nandyan kaming lahat. Pilay kami pero mas lalo kaming magiging matatag,” dugtong pa ni Juliet.
Ayon kay Ken:“First time namin na wala si Ate [Mercy], kakayanin ko. Gagalingan ko pa. Challenge [siya] sa’kin.”
Nagpapagamot si Mercy noon sa Amerika nang umpisahan nilang i-conceptualize ang show. “We wanted her to get better but talagang umalis na talaga siya sa amin ng tuluyan. Nasimulan na namin ‘to.”
“This is hard for us. Noong may sakit si Mercy, nand’un na siya sa US at nagpapagaling,” patuloy niya. “While she was having her treatment in the US, naiiyak na po kami. Noong nalaman namin na wala na siya, halos hindi na po kami nakakanta.”
Kaya ngayon, kailangan nila ng lakas ng loob. “Para kay Mercy ‘to. Pangarap niya ‘tong mag-concert ulit. Bago siya operahan, sabi niya gusto niyang sumama. Pero wala eh,” saad pa ni Juliet. “‘Yun ang gusto ni Mercy, tuloy pa rin po ang Aegis kahit ugod-ugod na kami. Siya ang nagsabi sa ‘min na walang iwanan.”
Kilala ang Aegis sa mga tinatawag na awit ng mga sawi tulad ng “Luha,” “Halik,” “Basang-Basa sa Ulan,” “Sayang” and “Sinta.” Ayon sa nag-iisang lalaking miyembro ng grupo na si Rey Abenoja, bagama’t nakasentro ang kanilang mga awitin sa “hugot,”ang sakit pagdating sa pag-ibig ay universal kaya naman nakaka-relate nang husto ang mga tao.
“Ang maganda sa Aegis, love songs ang kinakanta, pang-sawi. Lahat nakaka-relate, kahit ang mga batang may kaaway, ‘yung mga nagdadalaga, kahit ang mga matatanda,” sabi ni Rey. “Kapag nand’un ang love, ramdam mo pa rin siya. Kaya bagay na bagay siya kahit Valentine’s Day.”