Default Thumbnail

Mekaniko dedo sa banggaan sa Talisay

March 28, 2023 Jojo C. Magsombol 231 views

PATAY ang mekanikong rider ng motorsiklo habang sugatan naman ang kapatid na back ride nito nang aksidenteng makabanggaan ang isang Isuzu utility van truck sa national highway ng Barangay Sampaloc, Talisay, Batangas, Linggo ng gabi.

Ayon sa hepe ng Talisay Municipal Police Station (MPS) na si Major Arturo P. Patulot, ang nasawi ay 27, may ka-live-in, mekaniko, at ang sugatan naman ay ang kapatid na kaangkas, 34, binata, kapwa tubong Lian, Batangas at kasalukuyang naninirahan sa Bgy. Sampaloc, Talisay.

Sa inisyal na imbestigasyon, ang RUSI motorcycle ng biktima ay napag-alamang walang plaka at OR/CR na dala ay tinatahak ng mabilis ang kahabaan ng nasabing kalye dakong 7:30 p.m., Marso 26 nang aksidenteng makabanggaan ang isang papasalubong na Isuzu truck na minamaneho ng isang 29-anyos na tsuper, ng Agoncillo, Batangas na patungo sa direksyon ng Laurel, Batangas.

Sa lakas ng pagkabangga ay tumilapon ang magkapatid at bumagsak sa kalye na kapwa duguan.

Mabilis na naisugod ang dalawa sa pagamutan subalit patay na nang idating si ang rider ayon kay Dr. Janoo Morada ng St. Andrew Hospital sa Bgy. Tumaway.

Patuloy namang ginagamot ang kapatid nito sa Global Care Medical Center sa Bgy. Aya, Talisay.

Ang truck driver ay kasalukuyang nakapiit sa kulungang bayan ng Talisay.

AUTHOR PROFILE