Default Thumbnail

Medical school ng bawat LGU

July 29, 2023 Marlon Purification 233 views

Marlon PurificationTAMA ang sinabi ni Senator Francis ‘TOL’ N. Tolentino na dapat magkaroon ng kani-kanilang pampublikong medical schools ang bawat Local Government Unit (LGUs) sa bansa.

Panahon na aniya na mangyari ito sa tulong ng pambansang pamahalaan.

“Kapag may ospital at may paaralan din ang mga pamahalaang lokal ay talagang dapat magkaroon na nga rin ng medical school. Kasi hindi po sapat na magkaroon (lamang) po tayo ng gusali at imprastraktura kung wala namang doktor,” ani Tolentino są panayam ng DZXL-RMN Manila.

Ayon sa senador, ang unang dapat magkaroon nito ay ang local government na malapit sa Metro Manila.

Malaking bagay na maging prayoridad ang proyektong ito ng bawat LGU upang hindi na kailangan magtungo sa mga regional medical facilities ang mga residente para lamang mag-aral at magpahospital.

Batid ng mambabatas ang kahalagahan ng edukasyon, higit lalo ang eskuwelahan para sa larangan ng medisina.

Ang unang dapat gawin ng LGU ay magkaroon ng sailing pamantasan at isama ang pag-aaral sa medisina dahil malaking tulong ito para sa lahat.

Si Tolentino na naging chairman ng Senate Committee on Local Government noong 18th Congress ay nagsabing ang ganitong uri ng ‘curriculum’ ay akita niya sa Batangas State University (BSU) kung san ay nagkaroon sila ng sariling medical school program.

“Yung Batangas State University, nakakatuwa po, kanina may second year na sila na nagtuturo ng medisina—nasa second year na yung mga nag-aaral. Pa trenta-trenta lang (muna) na estudyante pero malaking bagay po iyon kapag naglaon at nakapagtapos.”

Nitong nakalipas na Huwebes ay nanguna sa pagpapasinaya ang masipag na senador para sa ‘groundbreaking’ ng bagong hospital Vicente Mendiola Center for Health Infirmary sa Naga City, Cebu.

Ayon pa sa kanya, dapat maging prayoridad ng lahat ang sektor ng edukasyon at pangkalusugan.

Sa ganang akin, magandang panukala ito na dapat seryosuhin ng sinumang LGU officials.

Totoong mahirap maabot ang pagkakaroon ng sariling universidad, pamantasan o medical school lalo’t iyong ay may kakulangan sa pondo.

Naniniwala tayong kung gugustuhin ng sinumang local officials ay magiging posible ito dahil marami naman mula sa pribadong sektor ang nakahandang tumulong mula sa tinatawag nilang ‘corporate social responsibility.’

Maaaring malaking ‘factor’ ang napakalaking pondo na kakailangin, pero marami mula są hanay ng pribadong sektor ang nakahandang tumulong na ito’y maging posible.