
MC taxi expansion hiniling ipatigil
GUSTO ni Manila 3rd district Congressman Joel Chua na ipatigil ang pagpapalawak ng operasyon ng mga motorcycle (MC) taxi sa Metro Manila para maiwasan ang aksidenteng kanilang kinasasangkutan.
Sinabi ni Chua na kung palalawakin ang operasyon ng mga MC taxi, dapat gawin na lang ito sa labas ng Metro Manila.
Hinimok niya ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) na pigilan ang paglaganap ng MC sa Metro Manila.
Nagbabala rin ang kongresista sa masamang epekto ng pagdami ng MC taxi sa mga tsuper ng mga tradisyunal na pampublikong sasakyan tulad ng jeepney at tricycle dahil mahihirapan na silang punuin ng pasahero ang ipinapasadang sasakyan.
Tiniyak naman ng LTFRB na sasagot sila sa mungkahing pagpapatigil sa paglawak ng MC taxi pati na rin ng kanilang posisyon sa isyu sa loob ng pitong araw.