Default Thumbnail

Pulis na vinideo ang katalik kinasuhan sa Ombudsman

March 21, 2024 Melnie Ragasa-limena 71 views

SINAMPAHAN na ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na kinuhanan ng video ang kanyang pakikipagtalik sa nakarelasyong babaeng negosyante.

Batay sa reklamong inihain nitong Huwebes ng hapon, sinabi ng biktima na ang 52-taong-gulang na police colonel ay dapat managot sa ‘grave misconduct, gross immorality and prejudicial to the best interest of the service.’

Sa ilalim ng Executive Order No. 292 at 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service, ang grave misconduct ay isang mabigat na pagkakasala at maaaring parusahan ng pagtanggal sa serbisyo, base sa reklamo ng babae.

Nakasaad sa reklamo ng biktima at ng anak niyang babae na natanggap ng Office of the Deputy Ombudsman of the military, inirekord ng colonel ang kaniyang pakikipagtalik upang gamitin sa pangba-blackmail sa biktima.

Nahaharap din sa hiwalay na kaso ang colonel sa Quezon City prosecutor’s office para sa psychological abuse sa ilalim ng Republic Act 9262 o ang Anti-Violence against Women and their Children Law, grave coercion, intriguing against honor and unjust vexation.

Sinampahan din siya ng mga kaso dahil sa paglabag sa mga probisyon ng RA 9995, o ang Anti-Photo and Video Voyeurism Act; RA 11313, ang Safe Spaces Law; RA 10173, na kilala rin bilang Data Privacy Act, at RA 10175, o ang Cybercrime Prevention Law.

Sinabi ng biktima na paulit-ulit niyang sinubukang tapusin ang kaniyang ‘illicit affair’ o bawal na relasyon sa colonel na nagsimula noong Disyembre 2020, ngunit nagbabala ang huli na ilantad niya ang kanilang mga sex video.