Klase Nag-inspeksiyon sina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at VM Yul Servo Nieto sa unang araw ng pagbubukas ng klase at nagtungo sa mga pampublikong paaralan sa Lungsod ng Maynila, Lunes Agosto 22, 2022. Kuha ni Jon-jon Reyes

Mayor Honey, VM Yul Servo, nag-ikot sa mga paaralan sa Maynila

August 22, 2022 Edd Reyes 406 views

Sa unang araw ng pagbabalik ng F2F classes

SINIMULAN nina Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang kanilang Lunes ng umaga sa pagbisita sa mga pampublikong paaralan sa unang araw ng “face-to-face” (F2F) classes upang alamin kung may kailangan pang ayusin, pagbutihin o idagdag.

Halos madaling-araw pa lamang nang dumating sina Mayor Honey at VM Yul Servo, kasama si Division of City Schools Superintendent Maria Magdalena Lim, sa Bacood Elementary School sa Sta. Mesa bago nagtungo sa Araullo High School sa U.N. Avenue, Ermita ng mas maaga sa ini-anunsiyong oras at tulad aniya ng dapat asahan, hindi pa ganoon karami ang mga mag-aaral na nag-enroll sa high school.

“Kasi, doon po sa naitala nating enrollees, nasa 5,534 po yung huli, so, dalawang shifts po yan at kung bibiyakin po natin, we’re expecting around 2,500 plus students per shift. Hindi po ganoon karami ang ating mga mag-aaral, siguro dahil naninibago pa po sila,” pahayag ng alkalde.

Aniya, upang maipatupad ang “social distancing”, 35 lamang na mga mag-aaral kada silid-aralan ang papayagan na hahatiin sa dalawang shift mula alas-6 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa unang shift, habang alas-12 ng tanghali hanggang alas-6 ng gabi sa ikalawang shift.

Tiniyak ng alkalde na lahat ng mga naka-enroll sa Araullo High School, kahit na doon sa mga mag-aaral mula sa pribadong paaralan na lumipat sa pampubliko ay tatanggapin lalo na’t bukod sa 100 silid-aralan, ipinatutupad pa rin nila ang blended learning.

“Pre-pandemic pa naman po kasi, meron na talagang lumilipat from private schools going to public schools so hindi na po bago na may lumilipat sa atin. In fact, mababa pa po ang enrollees ngayon ng private school, ang projected po nila, 105,000 pero last week, nasa 70,000 pa lang po ang mga nag-enroll sa mga private schools natin,” sabi pa ng alkalde.

Sa mga estudyanteng makikitaan naman ng sintomas ng COVID-19, sinabi ni Mayor Honey na lahat ng mga pampublikong paaralan sa Lungsod ng Maynila ay may nakalaang “isolation room” na may nakatalagang medical frontliners habang may mga safety officers ding naglilibot sa mga paaralan bago magsimula ang klase, habang nagdaraos, at hanggang sa pagtatapos ng kanilang klase.

Mayroon din aniyang inilagay silang “wash areas” sa mga pampublikong paaralan upang mapilit ang mga estudyanteng maghugas palagi ng kanilang kamay at sa mga nagtatanong naman kung paano kakain sa oras ng recess, sinabi ng alkalde na sa ngayon ay kanya-kanya muna aniyang baon ang mga estudyante at sa loob mismo sila kakain upang maiwasan ang paggala-gala sa paligid.

“Ang isa pa po, magpapalagay din po tayo dito ng vaccination team, just in case po na may gustong magpabakuna habang nandidito po sila, tutal nandidito na po lahat ang mga bata, puwedeng magpabakuna dito,” dagdag pa ni Mayor Honey.

Hinimok din ng alkalde ang lahat ng mga magulang ng mga mag-aaral na pabakunahan na ang kanilang mga anak dahil dagdag proteksiyon aniya ito laban sa nakakahawang virus.

“Sa ating mga magulang, sa ating mga teachers, na ilang linggo na rin pong nagpe-prepare para maging safe ang ating paaralan, ang panawagan ko lamang po, karagdagang proteksiyon para sa inyong mga anak. Doon po sa hindi pa nababakunahan, ini-encouraged po namin kayo na magpabakuna po kayo, ito po ay karagdagang proteksiyon, on top of yung mga minimum health protocols po natin,” sabi pa ng alkalde.

Sinabi ni Mayor Honey na sa hapon ay bibisita rin sila ni VM Yul Servo sa Isabelo Delos Reyes Elementary School sa Tondo at Jose Abad Santos High School sa San Nicolas na parehong may pinakamalaking bilang ng mga nag-enroll sa lahat ng pampublikong paaralan sa Maynila.

AUTHOR PROFILE