Mayor Honey malugod na tinanggap pagbisita ng mga Sogod, Leyte execs

December 12, 2022 Edd Reyes 79 views

BUKAS-palad na tinanggap ni Manila Mayor Maria Shielah “Honey” Lacuna-Pangan ang pagbisita ng alkalde at bise alkalde ng munisipalidad ng Sogod, Southern Leyte, kasama ang miyembro ng kanilang Sangguniang Bayan (SB) at mga pinuno ng halos lahat ng departamento, Lunes ng umaga.

Malugod ang pagtanggap na ginawa ni Mayor Lacuna-Pangan kina Sogod, Southern Leyte Mayor Sheffered Lino Tan, Vice Mayor Jose Ramil Golo, mga miyembro ng SB members at mga hepe ng iba’t-ibang departamento na layuning itaguyod ang pakikipag-ugnayan at pakikipag-unawaan sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila nang dumalo rin sila sa isinagawang seremonya ng pagpupugay sa watawat sa Kartilya ng Katipunan.

“Welcome po kayo sa minamahal naming Lungsod ng Maynila. Ang buong Munisipyo ng Sogod, Southern Leyte ay naparito upang pagtibayin ang samahan at pakikipag-ugnayan ng Sogod at ng Lungsod ng Maynila, Nawa’y magkaroon po kayo ng pagkakataong bisitahin ang magaganda at bagong mga pasyalan dito sa ating lungsod,” pahayag ng alkalde sa kanyang pagsasalita.

Nagpahayag din ng labis na kasiyahan si Mayor Lacuna-Pangan sa paglobo ng bilang ng mga tao at opisyal ng iba’t-ibang lungsod at munisipalidad na bumibisita sa lokal na pamahalaan na nagnanais na mapagtibay ang pakikipag-relasyon sa Lungsod ng Maynila.

“Magandang balita po yan. Bakit po? Isa lang ang ibig sabihin niyan, nakikita po nila na napakaganda na at napakalaki na ng ipinagbago ng ating lungsod at yan po ay dahil sa inyong lahat,” ani ng alkalde sa mga dumalong opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan sa seremonya ng pagpupugay sa watawat.

“So muli po, sa ngalan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, welcome po kayo Mayor, Vice Mayor at buong grupo ng Southern Leyte, sana may mapulot po kayo sa inyong paglilibot sa aming lungsod at sana sa darating na panahon kami naman ang makabisita sa inyong munisipyo,” pagwawakas pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE