Default Thumbnail

Mayor Honey lalagdaan na budget para sa 2023

November 27, 2022 Edd Reyes 232 views

PANGUNGUNAHAN ni Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang seremonyal na paglagda sa inaprobahang Executive Budget para sa taong 2023 na nagkakahalaga ng P22.2 bilyon na kaparehas lamang ng budget na inilaan para sa taong 2022 Lunes ng umaga.

Makakasama ng alkalde sa gagawing ceremonial signing ng inaprobahang budget sina Vice Mayor at Presiding Officer ng Sangguniang Panlungsod John Marvin “Yul Servo” Nieto, mga miyembro ng 12th City Council, Committee on Appropriation na pinangungunahan ni Councilor Philip Lacua, at mga kasapi ng Local Finance Committee,

“Maraming-maraming salamat sa 12th City Council, lalung lalu na po sa Committee on Appropriation headed by Councilor Philip Lacuna and of course sa ating Local Finance Committee,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan sa kanyang Facebook Live na The Capital Report nito lang Biyernes ng hapon.

Ang Local Finance Committee (LFC) na nagpanukala at nagdepensa sa hinihinging budget na ilalaan sa mga gastusin ng lokal na pamahalaan ay kinabibilangan ng Secretary to the Mayor, City Budget Officer, City Treasurer, City Assessor at City Accountant.

“Ano po ba ang kahalagahan nitong Executive Budget? Yan na po ang paglalaanan natin ng mga pondong pumapasok sa atin, paglalaanan po natin para sa susunod na taon, mga proyekto, programa, na sa tingin natin ay makakatulong po sa ating mga mamamayan,” sabi pa ng alkalde.

“Yan po ang pinaka-importanteng peace of legislation na ipinapasa natin taon-taon, ang Executive Budget,” dagdag pa niya.

Inaasahan na ia-anunsiyo ni Mayor Lacuna-Pangan kung saan-saan nakalaan at ano ang paggugugulan ng inaprobahang budget sa oras na matapos ang ceremonial signing.

AUTHOR PROFILE