Lacuna Nais ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na suriin at tukuyin and mga minanang ari-arian ng lungsod kung and mga ito ay may pakinabang pa sa Manilenyo at publiko.

Mayor Honey bumuo ng kumite para sa ‘patrimonial properties’

August 17, 2022 Edd Reyes 55 views

Para iwasto ang mga pag-aari ng lungsod

UPANG magamit ng wasto ang mga minanang lupain o ang “patrimonial properties” ng Lungsod ng Maynila, naglabas ng kautusan si Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan na magbubuo ng isang lupon/kumite o “Committee on Patrimonial Properties” para makinabang dito ang mamamayan ng lungsod.

Sa ilalim ng inilabas ng Executive Order (EO) No. 25 Series of 2022 ni Mayor Honey, ang binuong nabanggit na kumite ay bubuuin ng City Administrator bilang Chairman, City Legal Officer bilang Vice Chairman at magiging miyembro nito ang mga umaaktong hepe ng Department of Assessment, City General Services Office, at City Planning and Development Officer.

Nakasaad sa ilalim ng naturang kautusan na inaatasan ang binuong kumite na magsumite ng imbentaryo ng lahat ng mga minanang pag-aari ng Lungsod ng Maynila ng hindi lalagpas ng Setyembre 15, 2022 o tuwing araw ng Lunes ng Enero at Agosto ng bawat taon.

Magsasagawa rin ng malalimang pag-aaral ang kumite sa lahat ng mga minanang pag-aari ng lungsod, suriin at tukuyin ang kasalukuyang halaga ng mga ito at at alamin kung ano-ano ang mga pinauupahan ng Pamahalaang Lungsod, magkano ang halaga ng upang ibinabayad, kung saan dapat ikonsidera ang lokasyon at tinasang halaga sa mga ito.

Binibigyan din ng kapangyarihan ang binuong kumite na magrekomenda kung kinakailangang wakasan na ang kasunduan sa pagpapaupa sa mga pag-aari ng lokal na pamahalaan o kung kinakailangang magkaroon muli ng negosasyon kung maaari itong gawin, at pag-aralang mabuti kung nararapat ng ibenta o paupahan sa pribadong indibiduwal o korporasyon sa pamamagitan ng public bidding o negosasyon.

Ang kahulugan ng patrimonial properties o minanang mga lupain ay ang mga pag-aari ng pamahalaan na hindi na ginagamit sa kapakanan ng publiko o serbisyo-publiko bagama’t mayroon pa rin itong halaga na puwedeng mapagtanto ang makukuhang benepisyo.

AUTHOR PROFILE