Lacuna

Maynila handa kung sakaling tumaas mga kaso ng COVID

July 3, 2022 Edd Reyes 232 views

Mayor Honey: Lungsod low risk pa rin

TINIYAK ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na handang-handa ang lokal na pamahalaan kung sakali at muling tumaas ang kaso ng Covid-19 sa lungsod.

Bagama’t inamin ng alkalde na may bahagyang pagtaas ng kaso ng mapanganib na sakit sa Maynila, inalis niya ang pangamba ng publiko at sinabing nananatili pa rin sa “low risk classification” ang Maynila, kumpara sa mga karatig siyudad na nagdeklara na ng “moderate risk”.

“Low risk pa rin tayo kasi kung ikukumpara nyo, sa almost two million population ng Maynila, wala pa tayong 50. Siguro dahil yan sa mabilis na rollout namin ng bakuna at sinusuyod namin ang lahat ng lugar, nagbabarangay-barangay po kami, lahat ng ginamit naming kaparaanan before, gayun pa rin ang ginagawa namin,” sabi ng alkalde.

Ayon kay Mayor Honey, kung ang bagong subvariant ng COVID-19 ay sumipa pataas sa Lungsod ng Maynila, preparado at handang-handa ang lokal na pamahalaan dito lalo na’t nariyan pa rin aniya ang mga gamot na aprobado ng Food and Drug Administration (FDA) tulad ng Mulnopiravir, Remdesivir, Baricitinib at Tocilizumab na mabisa laban sa virus na dulot ng nakahahawang sakit.

“Lahat ng ospital namin handa for moderate, severe and critical cases. Ang ating quarantine facilities, mayroon pa ring nakatayo, sa ating mga paaralan, and of course andiyan pa yung COVID field hospital, ang cater diyan mahigit 100 plus na pero mostly moderate lang,” pagtitiyak pa ng alkalde.

Umapela rin si Mayor Honey sa mga senior citizens at mga immunocompromised na magpa-booster na ng Moderna o Pfizer vaccine upang madagdagan ang kanilang panlaban sa nakahahawang sakit.

”Manaka-naka na lang kasi sa mga adults ang nagpapa-booster kaya kami nananawagan sa kanila,” dagdag pa ng alkalde.

Sinabi pa ni Mayor Honey na malugod nilang tinatanggap ang ginawang pag-aproba ng DOH sa rekomendasyon ng Health Assessment Technology Council na buksan na ang pagkakaloob ng booster shot sa mga batang may edad na 12 hanggang 17 taong gulang.

Nilinaw niya na ang Manila Health Department (MHD) sa ilalim ng pamumuno ng kanyang asawang si Dr. Arnold “Poks” Pangan ay nagsimula ng magbigay ng booster shot sa mga immunocompromised na mga batang nasa edad na 12-17 at hinihintay na lamang nila ang ilalabas na panuntunan ng DOH para magsimula na ring magturok ng booster sa mga malulusog namang mga bata.

AUTHOR PROFILE