Default Thumbnail

Manila Department of Public Service (DPS) nasa tamang hakbang

May 24, 2023 Edd Reyes 200 views

Edd ReyesHINDI lamang korapsiyon kundi kawalan ng disiplina ang dahilan kaya’t hirap na hirap na makausad, hindi lamang ang ekonomiya ng bansa, kundi maging kabuhayan ng mamamayan.

Kahit kasi sa simpleng pagsunod lamang sa batas trapiko at maging pagtalima sa mga umiiral na ordinansa ay tila hirap na sumunod ang marami gayung nagagawa naman nila ang wastong disiplina kapag nasa ibang bansa.

Pero sa totoo lang, mahirap turuan ng wastong disiplina ang mamamayan kung ang pamahalaan ay hindi paiiralin ng mahigpit ang mga umiiral na batas at ordinansa.

Hindi naman kinakailangan gumamit ng kamay na bakal ang pamahalaan o mga ahensiyang nagpapatupad ng batas para lamang turuan ng disiplina ang mamamayan dahil baka humantong pa itong lalu sa hindi magandang resulta.

Isang magandang halimbawa na lang ang ginagawa ngayon ng Manila Department of Public Service (DPS) sa ilalim ng pamamahala ni Ms. Kyle Nicole Amurao, hinggil sa wastong pagtatapon ng basura na kung tutuusin ay napakatagal ng ipinaiiral ng pambansang pamahalaan.

Inilapit talaga ni Ms. Amurao sa bawa’t barangay sa Maynila ang pagtuturo sa tamang pagtatapon ng basura, kasabay ng pagtatakda ng mga araw, kung kailan kokolektahin ang nabubulok at hindi nabubulok na basura.

Siyempre, maraming pamilya sa Maynila ang napilitang tumalima sa waste segregation na matagal ng naisa-batas subalit hindi naipapatupad ng maayos dahil sa kakulangan ng impormasyon at implementasyon.

Isa pa sa magandang pagtuturo ng tamang disiplina ang ginagawang 24/7 na paglilinis ng DPS sa mga lansangan, partikular sa area ng Divisoria, at ang pag-aalis ng mga basura sa mga estero at iba pang daluuyan ng tubig na sa paniwala ni Ms. Amurao ay obligasyon ng mga tao para kalikasan at kapaligiran.

Hindi lamang mga Estero Rangers ang kumikilos kundi maging ang Team Magdaragat na walang tigil sa paglilinis sa coastal area sa lungsod, batay na rin siyempre sa direktiba ni Mayor Honey Lacuna-Pangan.

Kung araw-araw ay nakikita ng taumbayan ang malinis na kapaligiran, malaki ang posibilidad na tablan na rin sila ng hiya na magtapon ng basura kung saan-saan. Isa lang itong halimbawa na kailangan talaga ang tamang kilos ng pamahalaan upang madisiplina ang mamamayan.

Pagtulong sa kapuwa, ugali na ng pamilya Gatchalian

MAY kakayahan pala ang mga lokal na pamahalaan na magkaloob ng salapi sa ibang mga lungsod at munisipalidad na maaapektuhan ng kalamidad tulad ng ginawa ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela.

Nagpasa kasi ng resolusyon ang Sangguniang Panlungsod ng Valenzuela, sa pamumuno ni Vice Mayor Lorie Natividad-Borja, na inaprobahan ng mayorya ng konseho na naglalayong maglaan ng P1 milyong tulong pinansiyal sa mga biktima ng malaking sunog sa Cavite City kamakailan matapos itong isulong ni Senator Win Gatchalian.

Hinugot ang pondo mula sa Local Disaster Risk Redution and Management Fund (LDRRMF) batay na rin sa rekomendasyon ng the Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) ng lungsod.

Kung may malaking pondo mula sa LDRRMF ang Valenzuela City, hindi malayong mayroon din nito ang iba pang lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR) na puwedeng gamitin para tulungan ang pamilyang sinalanta ng kalamidad tulad ng sunog, bagama’t ang kailangan ay aprobahan muna ng Sangguniang Panlungsod.

Kung sabagay, hindi lamang minsang pinatunayan ng magkakapatid na Senator Win, DSWD Secretary Rex Gatchalian at Valenzuela City Mayor WES Gatchalian ang kanilang kaugaliang tumulong sa mga tunay na nangangailangan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE