Default Thumbnail

‘Magnificent 7’ di sasama sa transport strike

February 28, 2023 Jun I. Legaspi 1250 views

HINDI na uso ang transport strike.”

Ito ang naging pahayag ng spokesperson ng mga transport group hinggil sa planong malawakang tigil-pasada mula Marso 6 hanggang 12.

“Unang-una hindi tigil-pasada ang sagot sa problema kaya kami sa ‘Magnificent 7’ ay hindi sasama sa sinasabing jeepney strikes na yan,” ayon kay Magnificent 7 Spokesperson at National President ng Pasang Masda Roberto “Ka Obet” Martin.

Sa isang interview, pinaliwanag ni Martin na sang-ayon sila sa panawagan ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista sa isang mapayapa at maayos na usapan kung may problema sa pagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at transport groups na pinangungunahan ng “Magnificent 7” (M7) kabilang dito ang Piston, ACTO-Stop&Go, FEJODAP, ALTODAP, LTOP, at UV Express group.

“Eh [nitong walang] strikes, nandiyan ang mga libo-libong modernized jeepneys kulang pa rin ang mga jeep tapos mag-strike pa, bakit hindi tayo mag-isip kung paano natin matulungan ang gobyerno at magsilbi sa taong bayan para malunasan ang isyung ito,” saad ni Martin.

Ayon kay Martin, ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), na halos dalawang dekada na ang lumipas ng simulan ang programa at ilang pangulo na ang lumipas, ay “eto pa rin tayo pinag-uusapan pa rin ang modernization sa transport [sector] partikular sa jeepneys.”

Paliwanag pa ni Martin, sa buong bansa, maraming transport groups sa ilalim ng M7 ang sumama na patuloy na sumusuporta at maganda ang kanilang mga karanasan sa programa.

Dagdag niya, sa katatapos lang na pulong ng M7 ay maliwanag sa kanilang lahat na hindi sila sasama sa sinasabing transport strike.

Sa hiwalay na interview, sinang-ayunan ni Zaldy Ping-Ay, national president ng Stop&Go ang mga paliwanag ni Martin kaugnay sa planong strike ng iba.

Ayon kay Ping-Ay, talagang maganda muna ang isang maayos at mapayapang usapan sa pagitan ng dalawang grupo upang ayusin ang mga gusot sa pampublikong transportasyon.

“Maayos na natutugunan ni Sec. Bautista ang pangangailangan ng transport groups at patuloy na ibinibigay nito ang pangangailangan ng transport [sector] kabilang dito ang muling extension hanggang sa katapusan ng taon upang masigurado lahat ng driver at operators ay makatugon sa program ng modernization,” ani Ping-Ay.

Nauna rito, nagbanta ng isang linggong “strike” ang ilang transport groups bilang protesta sa sinasabing “phaseout” ng mga traditional jeepneys sa darating na mga buwan.

AUTHOR PROFILE