
Magkakapatid edad 9,7,4 patay sa sunog
NASAWI ang tatlong batang magkakapatid habang tatlong iba pa ang nasugatan matapos sumiklab ang apoy sa Brgy. Tatalon , Quezon City nitong Linggo ng madaling araw.
Sa report ni F/Insp. Jeramile C Valdez, ground commander, ang mga nasawi ay siyam, pito at apat na taong gulang.
Nagtamo ng matitinding paso sa katawan sina Bayani Alimagno, ang asawa umano nito na si Marie Santos, 31, at ang isa pa nilang anak na nakilalang si Akisha, 12, pawang residente ng 96 Kaliraya St., Bayanihan Alley, Brgy. Tatalon, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni PCMS Jonar Jorta ng Galas Police Station (PS-11) dakong 4:15 a.m. ng biglang sumiklab ang apoy na tumupok sa tatlong palapag na bahay ng mga biktima na pag-aari ng nagngangalang Lourdez Santos.
Ayon sa mga nakaligtas, mabilis na kumalat ang apoy habang mahimbing na natutulog ang kanilang mga anak.
Sinabi ng ama ng mga biktima na tinangka niyang iligtas ang tatlong nilang anak subalit kumalat na ang malakas na apoy mula sa itaas ng kanilang bahay.
Ayon F/Insp. Valdez, nagsimula ang sunog sa isang bakanteng kuwarto sa ikatlong palapag ng naturang bahay.
Inaalam pa ng mga imbestigador kung ano ang tunay na pinagmulan ng naturang insidente.
Patuloy na ginagamot sa East Avenue Medical Center ang mga sugatang residente. Ni MELNIE RAGASA-JIMENA