Medina

‘STL’ sa QC kinuwestiyon

May 29, 2022 People's Tonight 422 views

KINUKUWESTYON ng Quezon City Advocates for Responsible Entertainment, Sports, Gaming & Wellness (QCARES) at Globaltech Mobile Online Corporation ang legalidad ng umano’y kasalukuyang operasyon ng STL sa lungsod ng Quezon.

Ayon sa kanilang mapagkakatiwalaang impormasyon, ang diumano’y STL operator ng lungsod ay diumano’y dummy lamang.

Ayon sa report, ang diumano’y operator ay lumagda ng kasunduan sa isang personalidad na siya allegedly ang nag-ooperate nito kapalit ang diumano’y halaga para sa paggamit ng lisensya na iginawad sa kanya ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Binigyang-diin ng QCARES na batay sa umiiral na Revised Implementing Rules and Regulations o RIRR ng PCSO, ipinagbabawal sa mga license holder ang subcontracting, maging sa winning bidder. Ang paglabag na ito ay isang pangunahing dahilan upang mapawalang bisa ang lisensya ng isang operator.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang Globaltech matapos sumingaw na fixed bidding umano ang posibleng naganap sa proseso ng pagkakaloob ng prebilihiyo para sa operasyon ng STL.

Bukod dito, tinukoy rin ng magkabilang kampo na lumutang ang impormasyon kamakailan na umano’y ilang buwan ng hindi nakakabayad ng buo sa kanilang obligasyon sa PCSO ang sinasabing operator ng STL sa kabila ng patuloy na operasyon nito sa Quezon City.

“Nagtataka kami kung bakit hindi pa ipinapahinto ng PCSO ang operasyon ng STL sa aming lugar kung totoo ngang hindi sila tumalima ng kanilang obligasyon sa pamahalaan,” pahayag ng isang barangay captain mula sa ikalawang distrito na nakiusap na ‘wag pangalanan.

Samantala, nanawagan din ang mga barangay captain sa lungsod na tutukan at aksyunan ng mga kinauukulan ang iligal na sugal.

Matatandaan na kamakailan ay pumutok ang impormasyon na paggamit umano na front ng mga illegal gambling operators at ng kanilang mga kubrador na umiikot at nagpapataya sa bawat barangay ng inisyung ID sa kanila para sa operasyon ng STL sa lungsod.

Dahil dito, hindi umano makakakilos ang mga operatiba ng PNP Anti-Illegal Gambling Task Force sapagkat maliban sa ID, may pa-uniporme rin ang mga nangangasiwa ng iligal na sugal na nagtatago sa STL.

Nagpapatuloy umano ang iligal na sugal sa lungsod sa kabila ng mahigpit na kampanya na isinasagawa ng Quezon City Police District (QCPD), batay na rin sa kautusan ni QCPD District Director Remus B. Medina.

“Hindi talaga masusugpo ang iligal na sugal, kasi kahit anong gawing ikot ng mga pulis dito sa barangay namin, wala silang mahuhuli kasi iisipin nilang legal ang galawan ng mga nagpapataya dito,” dagdag pa ng isa sa mga residente sa ikalawang distrito.

AUTHOR PROFILE