Default Thumbnail

Mag-ingay para sa Sabah

July 19, 2022 Paul M. Gutierrez 938 views

PaulHALOS mabingi na tayo sa mga panawagan para sa paggigiit ng Pilipinas sa teritoryo nito sa West Philippine Sea laban sa China pero hindi halos tayo ganoon kaingay pagdating sa ating paglaban na maibalik sa atin ang Sabah.

Alam nating matagal na itong inaangkin ng Malaysia at matagal na ring ipinaglalaban ito ng Pilipinas sa ligal na paraan. Gayunpaman, sa maraming kadahilanan ay hindi naging tuluy-tuloy ang paglaban natin sa Sabah lalo na kung hindi ito nagiging prayoridad ng administrasyon.

At ngayon umaasa tayo na maging prayoridad ito ni Presidente BongBong Marcos (PBBM) dahil isa ito sa naging prayoridad ng kaniyang ama na mabawi natin mula sa Malaysia ang Sabah noong 1960s, sa unang termino ni Pang. Ferdinand Marcos.

Bago pa si Pang. Marcos, nauna nang pinaglaban ni dating Pangulong Diosdado Macapagal ang ating pagbawi sa Sabah.

Taong 1962, matapos isalin sa gobyerno ng Sultanate of Sulu ang lahat ng karapatan nito sa Sabah, ipinaabot ni Pang. Macapagal sa UK ang pormal na deklarasyon para bawiin ng Pilipinas ang Sabah.

Pero taong 1963, naidugtong ang Sabah sa Malaysia nang maghayag ito ng kalayaan mula sa UK. Mula nang lumaya ang Malaysia kasama nitong kinuha ng Sabah.

Ang naging masaklap dito, ang ating itinuturing na “kaalyado” at “kaibigan,” ang US, hindi man lang tayo ipinagtanggol sa usaping ito at lumabas pang kakutsaba ng Britanya sa nangyaring “pandurugas” sa atin.

Bago naging ganap na bansa ang Malaysia noon lang 1963, isa itong kolonya ng Britanya, katulad ng kolonya tayo ng mga Kano bago tayo “binigyan” ng kalayaan noong 1945.

Sa kasaysayan, noong 1658 ibinigay ng Sultan ng Brunei ang mga bahagi ng timog at silangang bahagi ng Borneo (Sabah) sa Sultan ng Sulu bilang kabayaran sa naging tulong nito sa civil war noon sa Brunei. Isa sa pinakamatibay nating ebidensiya sa Sabah ay mula sa kasunduang pinirmahan sa pagitan ng Sultan ng Sulu at ng North Borneo Chartered Company noong 1878.

Sinasabi dito na pinanatili ang soberanya ng Sultan sa noon ay North Borneo at inuupahan lamang ito ng North Borneo Chartered Company.

Sa simula, hanggang nitong dekada 2010, alam ng Malaysia na hindi talaga sa kanya ang Sabah, patunay ang taunang pagbabayad nito ng “renta” sa Sultan ng Sulu. Gayunpaman, tuluyan nang hindi kinilala ng Malaysia ang kasunduang ito at ang pagsama umano ng mga mamamayan ng Sabah sa Malaysia ay karapatan ng mga mamamayan na magpasya.

Noong 2013, daan-daang mandirigma mula sa Sulu ang naglanding sa Sabah upang ipilit ang karapatan ng Sultan sa buong teritoryo, matapos ngang tumigil na ang Malaysia na magbayad ng renta at simpleng sabihin na “kanila” na ang Sabah.

‘Yun nga lang, hindi man lang nagpadala ng kahit anong tulong ang gobyerno ni Noynoy Aquino, materyal man o diplomatiko at pinabayaan na lang na mapatay ang ating mga kababayang Muslim sa Sabah. Dangan kasi, sa panahong ito, mas abala ang kanyang gobyerno sa isinampang ‘arbitral case’ laban sa China patungkol sa West Philippine Sea, bilang pagsunod pa rin sa utos ng mga Kano na “kalimutan” na natin ang Sabah at “awayin” na lang natin ang China.

Alam natin marami pang mga ebidensiyang magpapatunay na sa atin talaga ng Sabah subalit hindi sasapat ang mga ebidensiya kung hindi ito ihahapag sa tamang mga lamesa para mapag-usapan. Hindi ito maririnig kung hindi tayo tuluy-tuloy na mag-iingay para malaman ang ating pang-angkin.

Malaking pagkakataon ngayon dahil naririyan ang pamilya Marcos na nakabalik sa kapangyarihan. Kung may nakakaalam sa kabuuang argumento at ebidensiya natin sa pag-angkin natin sa Sabah ay mula sa mga nasa dating administrasyon ni Pangulong Ferndinand Marcos. At tiyak tayo na may malaking kaalaman dito ang pamilya Marcos.

Hindi ito magiging madali dahil hindi ito basta-basta bibitiwan ito ng Malaysia dahil sa pang-ekonomiyang potensiyal nito. Nitong 2011 lamang natuklasan ang deposito ng langis sa Sabah.

Panahon na para matuluy-tuloy ang ating paglaban na makuha muli ang Sabah. Hindi lamang ito dahil sa deposito ng langis o pang-ekonomiyang potensiyal nito kundi sa katotohanan na sa atin talaga ito.

Kung babalikan pa rin, may “pagkakataon” sana na nabawi na natin noon pa ang Sabah– isa ito sa mga “plano” na iniwan ni Pang. Macapagal kay Marcos– subalit nawasak at nabuking dahil naman kay Sen. Ninoy Aquino Jr., ang tatay ni Pang. Noynoy.

Si Aquino ang nag-ingay noon sa Senado ng ‘Oplan Merdeka’ ni Marcos na puwersahang pagbawi sa Sabah, kasabay ng pagpapakalat ng pekeng ‘Jabidah Massacre.’

Ang pekeng masaker na kuwento lang naman ni Ninoy ay isa sa mga nag-udyok sa mga kapatid nating Muslim na mag-aklas sa Mindanao at itayo nila ang Moro National Liberation Front (MNLF). Sinamantala naman siyempre at pinondohan pa nga ng Malaysia ang nangyaring rebelyon ng mga Muslim sa Mindanao, patunay dito ay ang mga MNLF fighters na sa Sabah pa mismo nagsasanay, nagtatago at nag-aarmas.

Mapayapa nating nireresolba ang usaping ito sa Malaysia sa mahabang panahon. Pero hindi ibig sabihin na mapayapa ay kailangan na nating manahimik.

Dapat itong pinag-uusapan sa Kongreso, sa media, sa mga paaralan, at sa panlipunang diskurso upang mapalawak ang ating kaalaman dito.

Nakakadismaya dahil napakaingay ng lahat laban sa China sa West Philippine Sea pero hindi man lang ganoon kaingay tayo pagdating sa usapin ng Sabah.

Aber, sa halip pa nga na tulungan ng mga katulad ni Rep. Rufus Rodriguez at iba pang mga Amboy ang Sultanate of Sulu sa nakuha nitong ‘arbitration win’ kamakailan upang mabayaran sila ng Malaysia, mas gusto nitong sina Cong. Rufus na pag-usapan ay ang WPS at ang peke ring ‘debt trap’ natin umano sa China.

Umaasa tayo na magagawang prayoridad ng kasalukuyang administrasyong Marcos ang usapin hinggil sa Sabah. Hindi lamang dahil sa ito ay naging prayoridad ng kaniyang ama kundi ito ay prayoridad dapat nating mga Pilipino.

Kung hindi iyan makukuha, palayo nang palayo ang magiging tiyansa na mabawi natin ang Sabah mula sa Malaysia.

AUTHOR PROFILE