Paul Gutierez

Mag-ingat sa ‘modus’ ng mga kahera!

July 1, 2024 Paul M. Gutierrez 76 views

BIGYANG-DAAN muna natin ang karanasan ng ating kaibigan sa kanyang pag-grocery sa isang kilalang wholesale supermarket sa isang sangay sa Paco, Manila.

Babala na rin ito sa mga namimili sa mga grocery, supermarket o kung saan man, na maging alerto partikular sa pagtanggap ng sukli.

Kwento ng ating kaibigan, mayroon siyang binili na ilang items sa naturang supermarket na nagkakahalaga ng P317, kung saan nagbayad siya sa kahera ng P1,000 bill.

Oops! Bago natin ituloy ang kwento, matanong ko nga kayo, dear readers, kung lahat ba sa atin ay nagbibilang ng sukli, o ang iba ay diretso silid agad sa pitaka o sa bulsa, dahil nagmamadali na makauwi agad o may iba pang lakad o pupuntahan?

Anyway, pagkabayad ng ating kaibigan ng P1,000, siyempre ay sinuklian siya, at dito na iikot ang kahalagahan at warning na rin sa mga suki natin na madalas- mag-grocery.

Habang binibilang ang sukli na dapat ay P683, laking gulat niya nang tanungin siya ng kahera, “Sir kulang po ba ang sukli?” sabay abot sa kanya ng 50 pesos.

Ang ipinagtataka ng aking kaibigan, hindi pa man niya natatapos bilangin ang sukli, ay agad na iniabot sa kanya ang P50, at ang nakakagulat sa lahat, hindi naman daw tinanong ng kahera kung magkano ang kulang pero bakit alam nito na “kulang” ng “tapwe” ang isinukli sa kanya?

Matapos bilangin ang sukli, at kulang nga ng P50, nasabi na lang daw ng aking kaibigan sa kahera sa pabirong paraan: “Ang husay mo ate!”

Maaring maliit na halaga ang P50, ngunit ang malaking katanungan ay kung ito ba ay isang modus na matagal nang ginagawa o talagang hindi sinasadya? Dahil kung iisipin, kahit ako ay nagtataka kung bakit alam ng ng kahera na P50 ang kulang sa sukli.

Palaisipan din na kung modus nga ito at araw-araw ginagawa, malamang ay marami na itong ‘kinita’ mula sa mga inosenteng customer na hindi nagbibilang ng sukli.

Malaking tanong din kung ang kahera na ‘yon lang ba ang gumagawa ng gano’ng ‘modus’ o may iba pa na ‘rumaraket’ para sa dagdag na ‘income?’

Batid natin na mahirap ang buhay, ngunit hindi ito sapat na dahilan upang manloko o manlamang ng kapwa, dahil ang ganitong aktibidad ay isang pagnanakaw. Hindi natin masabi na baka ang nabiktima ninyo ay mas nangangailangan o mas naghihikahos sa buhay.

Kaya ang payo natin sa mga kababayan natin na ‘tiwala’ na tama ang bawat sukli sa ating binibili, ugaliin na bilangin mabuti ang sukli bago umalis.

Hindi natin hinuhusgahan ang kahera o ang pamunuan ng supermarket. Sana lamang ay hindi nga ito isang modus dahil kaawa-awa ang mga nabibiktima. Sana nga ay nagkataon lamang ang naging karanasan ng aking kaibigan.

Kayo mga kabayan, ano sa tingin n’yo, modus ba o nagkataon lamang? Ingat tayo sa lahat ng oras!

AUTHOR PROFILE