
Lyca namasura sa Amerika, naghanap ng pwedeng maiuwi sa Pinas
TINUPAD ng The Voice Kids Philippines season 1 winner at Filipina singer-actress na si Lyca Gairanod ang pangarap niyang mangalakal ng basura o tinatawag ding ‘dumpster diving’ sa San Diego, California.
“Dahil nandito ako sa US, ito (dumpster diving) ‘yung pangarap ko dahil—alam mo ‘yon bibili ka ng gamit pero (dito) hindi ka kailangan magbayad,” pahayag ng singer.
Binanggit din ni Lyca na sanay na sanay siya sa ganitong uri ng trabaho dahil noong bata pa siya ay ang mamulot ng basura at kalakal ang kanyang ginagawa upang kumita ng pera.
“Yun lang ang pinuntahan namin dito ha? Yung dumpster, dumpster. Ano kayo, sanay ako sa trabahong ganyan, ‘no!” pabirong banggit ni Lyca.
Ang pangunahing rason ng Filipina singer sa pangangalakal ng basura ay hindi upang ganap siyang bumalik sa pagiging basurera, kundi gawing content sa kanyang Youtube vlog.
Ibinahagi ni Lyca ang isang maikling Facebook video ng pagpunta niya sa isang steel dumpster at ang walang arte niyang paghahanap ng mga kagamitang maaari pang mapakinabangan na maiuuwi niya rito sa Pilipinas.
Agad namang nagbigay komento ang mga netizens sa ginawang dumpster diving na ito ng dalaga. “Nakakatuwa naman at napaka humble pa rin,” “Galing naman, Lyca. Hindi na uso ngayon ang maarte,” “Hindi pa rin nagbago. ‘Di tinalikuran kinalakihan kahit okay na buhay ni Idol,” ilan lamang sa mga komento ng netizens sa video.
May mga nagpaabot naman ng pag-aalala kay Lyca mula sa comment section sa hindi niya pagsusuot ng protective gloves o facemask bilang proteksyon laban sa mga mikrobyo habang namamasura.
Matapos isa-isahin ni Lyca ang pinasukang dumpster truck ay bigo siyang makahanap ng kalakal na maaari pang mapakinabangan. Nadismaya ang singer pero agad din naman silang naglakad upang tingnan pa ang ibang lugar at ipagpatuloy ang dumpster diving.
Hindi ang dumpster diving ang pangunahing ipinunta ni Lyca sa Amerika, kundi bilang special guest ng Pinoy singer na si Arthur Nery para sa kanyang US at Canada tour mula noong July 21, 2023 hanggang July 29, 2023.