Default Thumbnail

Lumalalang krimen, ikinabahala ng mga residente sa Tondo

July 26, 2023 Edd Reyes 460 views

Edd ReyesMUKHANG hindi komportable ang maraming residente ng 1st District ng Tondo sa kanilang bagong Station Commander matapos ipanawagan kay Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Andre Dizon ang lumalalang kriminalidad sa kanilang distrito.

Kung sabagay, mukhang may punto ang hirit nila sa “The Game Changer General” dahil sa sunod-sunod na krimeng nangyari na sakop ng Raxabago Police Station-1, kabilang na ang pagpatay, panghoholdap, pagnanakaw at maging riot ng mga kabataan.

Nito nga lang Hulyo 19, tatlong insidente ng pamamaril sa Permanent Housing sa Brgy. 128 at sa Aroma Compound sa Brgy. 105 ang naganap kung saan napatay ang tatlong buwang buntis habang isa pang insidente ng pamamaslang at panghoholdap ang nangyari rin sa Mel Lopez Blvd. na dating Road-10 sa Tondo na sakop pa rin ng MPD-PS-1

Nito lang Sabado, Hulyo 22, nag-riot naman ang dalawang grupo ng kabataan sa Madrid at Barcelona Streets sa Brgy. 73, na nagresulta sa pagkakasugat ng isang 14 at 15-anyos na binatilyo nang saksakin ng 16-anyos na kabilang sa kalabang grupo.

Kamakailan lang ay nangholdap naman and 20-anyos na binata sa kanto ng Sta Maria at Coral St. sa Brgy. 74 bagama’t naaresto naman siya ng mga nagrespondeng barangay tanod.

Hindi tuloy maialis sa mga nababahalang residente ang pagkukumpara sa kasalukuyang hepe at sa dating Station Commander na si P/Lt. Col. Rosalino Ibay na bukod sa antigong taga-Tondo, palaging nasa lansangan sa araw man at gabi upang tiyaking natutupad ang police visibility.

Mahigpit kasi ang tagubilin ni BGen. Andre Dizon sa puwersa ng MPD na panatilihin ang police visibility na mabisang paraan sa pagsugpo sa krimen pero mukhang kulang daw ngayon sa pagpapatrulya ang mga tauhan ng Raxa Bago Station 1 kaya laganap ang krimen sa area ng Tondo.

Sa kabila nito, may ilan namang nagpapahayag na bigyan daw ng tsansa ang bagong Station Commander na ipamalas ang kakayahan dahil hindi tulad ni Lt. Col. Ibay na kabisado ang halikaw ng bituka ng mga taga-Tondo, bago pa lang daw salta sa distrito ang bagong hepe kaya baka raw nanganganay pa lang.

Navotas Sports Camp, binuksan ulit ni Mayor Tiangco 

IKINAGALAK ng mga kabataang Navoteño ang pasiya ni Mayor John Rey Tiangco na muling ibalik ang NavotaAs Sports Camp makaraang matigil ng tatlong taon dahil sa pandemya.

Umabot agad sa 504 na mga kabataang may edad lima hanggang 20 ang lumahok matapos maging kuwalipikado sa pagsasanay sa iba’t-ibang palaro gaya ng paglangoy, basketball, volleyball, football, athletics, arnis, judo, karate, taekwondo, at pencak silat.

Pinayuhan sila ni Mayor Tiangco na pagbutihin ang kanilang kakayahan at kaalaman sa palakasan dahil posibleng sila ang mga susunod na atletang kakatawan sa bansa sa mga internasyunal na kompetisyon.

Isinahalimbawa pa ng alkalde ang buhay ng swimmer na si Renz Kenneth Santos na lumahok sa NavotaAs Sports Camp noong bata pa hanggang sa maging sports scholar at nito lang kasalukuyang taon ay kumatawan sa Pilipinas sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.

Umaasa si Mayor Tiangco na maging inspirasyon sa mga kasalukuyang kalahok sa sports camp si Renz Kenneth at maging kasiya-siya sa kanila ang pagsali sa pagsasanay na makakatulong din sa pagkakaroon ng wastong ugali at husay ng pakikisama sa kapuwa kabataan.

Bukod sa NavotaAs Sports Camp na inilunsad noong 2011, suportado rin ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang mga umuusbong na atletang Navoteño sa ilalim naman ng NavotaAs Athletic Scholarship Program na nagkakaloob ng cash allowance, libreng pagsasanay at kaukulang tulong sa paglahok nila sa kompetisyong pampalakasan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE