Loren

Loren suportado ng Pampanga Mayors League

February 24, 2022 People's Tonight 281 views

SUPORTADO ng Pampanga Mayors’ League ang pagbabalik-senado ni House Deputy Speaker Loren Legarda sa darating na halalan sa Mayo.

Ito ang pahayag ni Minalin Mayor Edgar Flores, pangulo ng League of Municipalies of the Philippines (LMP) – Pampanga Chapter sa isang pagpupulong noong Martes kasama ang 14 na alkalde mula sa lalawigan.

“Kayo po ay masipag, magaling at madaling lapitan at hindi pa man kami lumalapit ay alam na ninyo kung paano kami matutulungan. Hindi po kami magdadalawang isip na kayo ay suportahan dahil nararapat kayong bumalik sa Senado para marami pa po kayong matulungan,” ani Flores.

Labis namang ikinatuwa ni Legarda ang pag-endorso ng LMP-Pampanga Chapter at sinabing ipagpapatuloy niya ang mga proyektong nasimulan sa lalawigan.

Bagamat siya’y kinatawan ng Long District of Antique sa Kongreso, hindi kinalimutan ni Legarda ang Pampanga. Aniya, tuluy-tuloy ang pagbibigay niya ng suporta sa lalawigan sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE). Naglaan din siya ng pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development upang tulungan ang mga Kapampangang kulang ang pambayad sa ospital, pampalibing at iba pang pangangailangang pinansiyal.

May programa din si Legarda na nagbibigay ng Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital sa San Fernando, Pampanga.

“Labis akong nagpapasalamat sa inyong tiwala at suporta. Sama-sama nating tiyakin na makakarating at mararamdaman ng mga Pilipino ang mga programang pang-kabuhayan, pang-hanapbuhay, kalusugan at edukasyon para sa magandang hinaharap,” ani Legarda sa kanyang mensahe sa LMP-Pampanga Chapter.

AUTHOR PROFILE