Default Thumbnail

Lampas 20K pasaway huli sa QCPD SACLEO

February 23, 2022 Melnie Ragasa-limena 309 views

NASA 137 durugista, 112 na wanted, at 19,855 mga pasaway sa ordinansa sa QC ang nasakote sa isinagawang SACLEO ng Quezon City Police.

Nahuli ang mahigit 20,104 na suspek sa isinagawang isang linggong “Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations” (SACLEO) ng Quezon City Police District (QCPD) sa lungsod.

Ayon kay QCPD Director, PBGEN. Remus Medina, isinagawa ang operasyon noong Pebrero 14 hanggang 20 na nilahukan ng labing-anim na himpilan ng pulisya ng QCPD.

Base sa rekord ng District Operations and Plans Division, 57 anti-drug operations ang ikinasa ng QCPD na nagresulta sa pagkakaaresto ng 137 drug suspect at pagkakasamsam ng 261.58 gramo ng shabu at 1,365 gramo ng tuyong dahon ng marijuana na tinatayang may kabuuang halaga na P2,072,084.

Nasa 118 naman ang inihain na warrant of arrest ng mga kapulisan na nagresulta sa pagkakadakip ng 112 wanted persons habang nasa 19,855 katao naman ang naitalang lumabag sa ordinansang pinapatupad sa lungsod at 5,351 dito ang pinagmulta.

Nakapagtala naman ng 525 na operasyon sa pagpapatupad ng R.A. 4136 o Land Transportation and Traffic Code na naging dahilan ng pagkaka-impound ng 1,399 na motorsiklo at sasakyan, habang 39 naman ang ikinasang anti-illegal gambling operations na nagresulta sa pagkakadakip ng 109 katao at pagkakasabat ng perang nagkakahalaga ng P71,804.00 na ginamit sa transaksyon.

Nagkasa rin ng anim na “Oplan Katok” ang kapulisan para sa mga residente ng lungsod na nagdadala ng expired license at registration at naresto ang apat na katao at pagrekober ng 11 mga baril habang dalawang anti-carnapping operations naman ang isinagawa na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawang katao.

“Lubos nating binibigyang halaga ang ating tungkuling pagpapatupad ng batas, gayundin upang siguraduhin ang kaligtasan ng ating mamamayan sa Lungsod Quezon. Kung kaya, isinagawa natin ang malawakang operasyong ito upang bigyang katuparan ang mandatong mapanatili ang ligtas at protektado nating komunidad laban sa mga masasamang loob,” pahayag ng QCPD chief.