Mangga

Lalaki nanungkit ng mangga, nakuryente, utas

February 16, 2024 Melnie Ragasa-limena 88 views

UTAS ang lalaki matapos makuryente habang nanunungkit ng mangga sa Quezon City noong Huwebes, ayon sa Criminal Investigation and Detection Unit-Quezon City Police District (CIDU-QCPD).

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl Nestor V Ariz Jr. mula sa saksi na si Arnold Abing, nanunungkit ang biktima habang nasa puno ng mangga nang madikit ang metal stick niya sa high tension wire ng Meralco.

Bandang alas-3:05 ng hapon nang maganap ang insidente sa Brgy. Tandang Sora, Quezon City. Sumabog ang linya ng Meralco at nangisay na ang biktima at nawalan ng malay.

Humingi ng tulong ang saksi sa rescue team sa Meralco at Bureau of Fire Protection (BFP) para makuha ang katawan ng biktima sa puno.

Nang makuha ang biktima, dinala siya sa Quezon City General Hospital pero idineklarang patay na ni Dr. John Frederick Palma.

Tumanggi ang misis ng biktima na ipa-autopsy ang bangkay ng asawa dahil kumbinsido itong aksidente ang ikinasawi ng asawa.