Pilipino

Labor Day

April 27, 2023 People's Tonight 234 views

SA LUNES, Mayo 1, ay Labor Day, ang “araw na pinakahihintay” ng mga manggagawa, sa pribado at pampublikong sektor, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Pero sa taong ito ay baka walang “good news” sa mga manggagawa at kanilang mga mahal sa buhay dahil alam naman ng lahat na hirap na hirap pa ang maraming kompanya.

Gustuhin man ng mga kompanya na magbigay ng umento o non-cash incentives sa kanilang mga empleyado ay hindi pa puwede, ayon sa ilang independent observers.

Pero sana naman ‘yung ibang business establishments na kayang magtaas ng suweldo sa kanilang mga empleyado ay boluntaryo namang pasayahin ang kanilang workforce.

Noong panahon ni yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos ay nakaugalian niya ang maglabas ng magandang balita para sa mga manggagawa sa Labor Day.

Bago pa ang Araw ng Paggawa ay tapos na ang Department of Labor and Employment, sa pangunguna ni Secretary Blas F. Ople, sa paghahanda sa announcement ni Mr. Marcos.

Madalas ay salary increase at non-wage benefits ang inaanunsyo ni Pangulong Marcos o FEM sa kanyang Labor Day speech na ginagawa sa Palasyo ng Malacanang.

Ngayong taon ay wala sa bansa si Presidente Marcos sa Araw ng Paggawa dahil nakatakda siyang bumisita sa US sa weekend para makipag-pulong kay President Joe Biden.

“We have high hopes for the exchange of ideas between the two leaders and its outcome,” ani House Speaker Ferdinand Martin G. Romualde, pinsang buo ni Pangulon Marcos.

Nasa Estados Unidos, ang pangunahing ally ng Pilipinas, ngayon si Speaker Romualdez para ilatag ang groundwork para sa makasaysayang pagbisita ni Pangulong Marcos.

Kahit wala sa Pilipinas sa Mayo 1 ay naniniwala tayo na ang nais ni Marcos ay mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa na nakakaranas ng kahirapan dahil sa COVID-19.

Hindi ba, Labor and Employment Secretary Bievenido “Benny” Laguesma?

AUTHOR PROFILE