Default Thumbnail

Lab for All program ng First Lady, swak sa panlasa ng mga Pinoy

September 27, 2023 Edd Reyes 368 views

Edd ReyesNASAPOL ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang tunay na pangangailangan ng maraming mamamayan sa inilunsad niyang programang LAB for ALL Caravan na umani ng isang katerbang papuri.

Hindi lang kasi mga residente ng Metro Manila ang nakinabang sa programa ng Unang Ginang kundi maging ang mga maralitang mamamayan sa malalayong probinsiya sa buong kapuluan na salat sa kinakailangang serbisyong pangkalusugan..

Napakarami na kasing mga namamatay na hindi alam na mayroon na pala silang malubhang karamdaman bunga ng kawalan ng regular na medical check-up dahil sa napakamahal na halaga na kanilang babayaran.

Kaya nang isulong ni First Lady Liza Marcos ang kanyang programa na layuning makapaghatid ng mga libreng medical check-up, gamot at laboratory test, umani ito ng papuri at nagbago ang pananaw ng ibang bumabatikos sa Unang Ginang.

Hindi naman kasi kaila na hangad din ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ipagkaloob sa bawa’t mamamayan ng bansa ang de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan, dangan nga lamang ay marami siyang dapat ding asikasuhin tulad ng pagpapababa sa presyo ng mga produktong pag-agrikultura, lalu na ang bigas, at pagpapabuti sa ekonomiya ng bansa.

Sa katunayan, hindi lamang ang pagtatakda sa presyo ng bigas ang isinulong ni PBBM kundi maging ang buying price ng palay na umani ng positibong reaksiyon sa mga magsasaka ngayon panahon ng anihan dahil sa anunsiyo ng Pangulo na P16 hanggang P19 kada kilo ang dapat na maging farmgate price para sa fresh palay at P19 hanggang P23 naman para sa dry palay.

Nangangahulugan na “nga-nga” ang mga ganid na traders na bumabarat sa halaga ng palay ng mga magsasaka dahil mahihirapan na silang baratin ang presyo ng palay.

Isa pa sa ikinatuwa ng magsasaka ang pagbasura ni PBBM sa hiling ng kanyang economic managers na tapyasan ang buwis ng imported na bigas dahil sabi ng Pangulo, panahon na ng anihan kaya’t tiyak na bababa na ang presyo ng lokal na bigas at maging sa world market.

Pang-apat na Education Seal, nasungkit ng Navotas

MULI na namang tumanggap sa ika-apat na pagkakataon ang Navotas City ng Seal of Good Education Governance (SGEG) dahil sa masidhing pagsisikap na mapagkalooban ng de-kalidad na edukasyon ang kanilang mamamayan.

Labis naman ang pasasalamat ni Mayor John Rey Tiangco sa mga guro, magulang, at lahat ng education stakeholders dahil sa kanilang suporta na makapagbigay ng mataas na kalidad na pagtuturo sa mga kabataan. Layon kais ni Mayor Tiangco na matiyak na makakuha ng tamang kaalaman, abilidad at wastong ugali ang kabataang Navoteños para maabot nila ang tagumpay.

Nagkakaloob kasi ng scholarship ang Navotas sa mga estudyanteng mangunguna sa akademya, palakasan at sining, pamamahagi ng mga modernong gadgets at gamit sa mga mag-aaral at guro, pagsasagawa ng pananaliksik at pagbuo ng mga aktibidad sa mga guro at magulang at marami pang mga bagay na makakatulong sa pagbibigay ng tamang kaalaman sa mga mag-aaral.

Ang SGEG ay ipinagkakaloob sa mga lokal na pamahalaan na nakakapagpabago sa lupong pampaaralan, kayang humimok sa komunidad na tumulong sa mga mag-aaral para sa mabilis na kaalaman, nakakagawa ng kaukulang hakbang upang bumaba ang bilang ng mga estudyanteng hindi makapagbasa at nakakapaglagak ng pondo para sa mga programang may kinalaman sa edukasyon.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE