SS1 First Lady Liza Araneta-Marcos: “A healthy community is a productive community.” Larawan mula sa Batangas Capitol PIO

LAB for All ni FL Liza Marcos umarangkada sa Batangas

May 21, 2023 Jojo C. Magsombol 489 views

UMARANGKADA sa Batangas ang ‘Libreng Laboratoryo, Konsulta, at Gamot Para sa Lahat’ o LAB for ALL Caravan na programang hatid ni First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos noong ika-16 ng Mayo 2023.

Pormal itong inilunsad sa isang maikling programa na ginanap sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City.

Mainit na tinanggap ng mga Batangueño, sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas, ang pagdating ng Unang Ginang at ang inisyatibong pangkalusugan na handog nito.

Ang LAB for ALL initiative ay may layunin na makapaghatid ng libreng primary healthcare services sa mga komunidad sa buong bansa. Sa pamamagitan ng programa, hindi na kailangang pumila pa ng mahabang oras at maiiwasan ang pagpapabalik-balik sa mga ospital ng mga pasyente.

Ani Mandanas, malaki ang pasasalamat niya sa First Lady dahil sa pagkakahirang ng Batangas bilang pilot site ng programa.

Sumasalamin aniya ito sa maalab na pagnanais na maging model province ang Batangas sa pagpapatupad o implementasyon ng Universal Health Care Law, na, ayon pa sa gobernador, ay kahalintulad ng mithiin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na makapagbigay sa bawat isang Filipino ng abot-kaya at dekalidad na serbisyong pangkalusugan.

Ayon naman kay First Lady Liza Marcos, ang LAB for ALL ay isang inisyatibo na tutupad sa ipinangako ng kaniyang asawa na maglalapit ng mga nararapat na medical services sa bawat mamamayan.

“My husband would always say, it’s important that we prioritize healthcare. The government must bring healthcare to the people. We need to make it easier for them, because a healthy community is a productive community,” ayon sa Unang Ginang.

Ipinaabot din niya ang kaniyang taos-pusong pasasalamat sa mga sumuporta sa nasabing programa upang maisakatuparan at unang mailunsad sa lalawigan.

Naging katuwang ng Unang Ginang sa launching ng LAB for ALL sa Batangas si Sagip Party-list Representative, Congresswoman Caroline Tanchay, at mga bumubuo ng Department of Health, Department of the Interior and Local Government, at Provincial Government of Batangas.

Nakiisa rin sa ginanap na paglulunsad ng programa sina Anakalusugan Party-List Representative, Congressman Ray Florence Reyes; Department of Health (DOH) Assistant Secretary, Dr. Gloria Balboa; PhilHealth Acting President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma; Private Hospital Association – Batangas Chapter President, Dr. Roberto Magsino; Mayor Beverly Dimacuha ng host-Batangas City; ilang City and Municipal Mayors; Sangguniang Panlalawigan Board Members; Provincial Local Health Board Members; Municipal Health Officers; Chiefs of Hospitals; mga opisyal ng Batangas Medical Center; at mga volunteer workers ng lalawigan.

AUTHOR PROFILE