
KZ Tandingan muling ‘nagpatali’ kay TJ Monterde
SA third anniversary ng mag-asawang sina singer-rapper KZ Tandingan at singer-songwriter TJ Monterde ay muling nagpalitan ng “I dos” sa pangalawang pagkakataon.
Pinasilip ng “Asia’s Soul Supreme” ang kanilang naging garden wedding sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ilang larawan sa nasabing selebrasyon sa kanyang Instagram page nitong Lunes, Setyembre 4.
Makikita sa mga larawan ang seremonya ng kasal at ang naging venue para sa reception. Ang mga ito ay kuhang larawan ng professional photographer na si Michael Gonzales.
Kalakip ng mga larawan ang paliwanag ni KZ kung bakit sila nagkaroon ng 2nd wedding ni TJ.
“Btw, we got married. Again,” panimula ni KZ.
Saad ng singer-rapper na ang dahilan ng pagpapakasal nilang muli ay upang personal na masaksihan ng kanilang mga mahal sa buhay ang kanilang pag-iisang dibdib dahil hindi nila ito nagawa noong una nilang kasal dala ng higpit ng pandemya.
“As you all remember, we held our first wedding three years ago at the height of the pandemic, and because of flight restrictions, our parents and siblings couldn’t attend. It was a bittersweet celebration because we would’ve loved for them to be there but it was impossible,” pahayag ni KZ.
“So, TJ and I promised another wedding to honor our parents by giving us away in person and our siblings and closest friends as witnesses,” wika pa niya.
Ibinahagi rin ni KZ ang istorya sa likod ng kanilang suot-suot na wedding barong.
“‘Pag-Ibig ating punla,’ reads the embroidery of the Simula lyrics on our wedding barongs. By sowing that love seed within us first, we pay homage to those who taught us to love,” ani KZ.
Nagpasalamat din siya sa mga taong naging parte ng kanilang muling pagpapakasal.
“We want to thank all our friends and family for being the most supportive!”