Default Thumbnail

Kontrol sa mga armadong praning sa Amerika

July 6, 2022 Allan L. Encarnacion 358 views

Allan EncarnacionHINDI natin alam kung anong klaseng nilalang ang aakyat sa bubong para mamaril ng mga tao sa ginaganap na parada.

Senaryo ito sa Highland Park, Chicago, USA sa mismong araw ng kanilang Independence Day nitong 4th of July.

Anim ang patay at mahigit 20 ang nasugatan nang mag-open fire ang isang utak-pulbura sa mga taong nagdiriwang ng araw ng kanilang kalayaan.

Marami nang lider sa Amerika ang nagpapa-amyenda ng kanilang 2nd Amendment o karapatang magdala ng armas subalit mas marami ang gusto itong panatilihin. Kailan lang, mismong Korte Suprema ng Amerika ang nagbasura sa batas sa New York na istriktong nagbabawal sa lantarang pagdadala ng armas sa publiko.

Para sa kanilang mahistrado, ang limitasyon ay pagsikil sa karapatan ng mga Amerikano na maipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga banta sa kanilang buhay.

Iyong 1913 na batas sa NY ay inaatasan ang mga mamamayan na kumuha ng lisensiya para makapagdala ng baril at hindi ito dapat inilalantad sa publiko. Pero sabi ng SC nila, pakikialam daw ito sa karapatan ng makapagdala ng armas.

Malungkot ang mga matitinong mamamayan sa New York dahil hindi nila inaasahan ang ganitong klase ng desisyon mula sa pinakamataas na korte ng bansa.

Alam nilang nasa panganib ang publiko sa mga trigger-happy citizens dahil sa SC ruling na ito. Hindi na mabilang ang dami ng mamamayang lokal at turista ang napatay ng mga taong bigla na lamang namamaril sa mga public places.

Nito lang May 14, isang racist ang walang habas na namaril sa Buffalo, NY na ikinamatay ng 10 tao. Makalipas lang ang 10 araw, namasaker naman ang 19 bata, dalawang guro sa elementary school sa Uvalde, Texas at noong June 1, apat na tao rin ang malubhang nasugatan sa pamamaril din sa medical building sa Tusla, Oklahoma.

Hindi naman mahirap makita ang peligro ng mga taong may dalang armas, lalo na sa Amerika kaya kailangang magkaroon ng isang komprehensibong gun control law ang Estados Unidos sa tulong ng kanilang kongreso.

Marami na ring Amerikano ang gustong malusaw ang 2nd Ammendment dahil nga sa panganib sa kanilang lahat subalit walang makalusot na national law/federal kaw na lulusaw dito.

Si Pareng US President Joe Biden ay gusto ng gun control kaya umaasa tayong sa loob ng kanyang termino ay mangyari ito bago pa dumami ang mga praning na armado sa bayan ni Uncle Sam.

[email protected]