Default Thumbnail

Koleksyon ng BOC umabot ng P133.380-B

March 5, 2023 Vic Reyes 258 views

Vic ReyesPATULOY ang magandang “revenue collection performance” ng Bureau of Customs (BOC) sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio ng Batac, Ilocos Norte.

Dahil isang matagal ng BOC insider, alam na ni Commissioner Rubio kung paano niya tatakpan ang “leakages” para lalo pang mapataas ang koleksyon ng ahensya.

Sa unang dalawang buwan ng taon – Enero at Pebrero – ay umabot na ng tumataginting na P133.380 bilyon ang total na revenue collection ng BOC na nasa ilalim ng DOF.

Ito ay lampas ng P8.641 bilyon sa target nitong P124.738 bilyon para sa dalawang unang buwan ng 2023, ayon sa opisyal rekord ng “graft-prone” na ahensya ng gobyerno.

Base sa inisyal na report, umabot ng P63.015 bilyon ang koleksyon noong nakaraang buwan ng Pebrero. Ang target collection ay P59.43-B.

Ani Rubio: “We will continue to innovate and implement sustainable reforms to boost the bureau’s collection efficiency.”

Ayon pa kay Commissioner Rubio, para makamit ito, kailangan talagang i-foster ng BOC ang “healthier trade environment.”

Ito ay magagawa sa pamamagitan ng “enhanced and modernized mechanisms for trade facilitation and improved customs operations for all our stakeholders.”

Hindi madaling trabaho ito. Kaya nga ang kailangan ni BOC chief Rubio ay tulong ng lahat ng stakeholders sa aduana.

At naniniwala tayo na susuportahan ng marami ang mga ginagawang pagbabago sa iba’t bang opisina ng gobyerno na ipinapatupad sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa mga taga-BOC, isa sa marching orders ni Pangulong Marcos ay patigilin ang pagpasok sa bansa ng mga iligal na droga, kasama ang shabu, at produktong agrikultura.

Sa totoo lang kaya ayaw pang iwanan ni Pangulong Marcos ang puwesto bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) dahil nandiyan pa ang maraming problema sa agriculture sector.

Lalo na nga ang ismagling ng bigas, gulay, sibuyas at iba pang produkto ng mga magsasaka.

Ang mahirap kasi, baka dumating ang araw na wala ng gustong magtrabaho sa bukid kapag hindi napigilan ang pagbaha ng mga imported na agriculture products sa lokal na merkado.

Kaya tama ang ginagawa ng gobyerno na pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda.

***

Isang bodega na naglalaman ng mga pekeng produkto na nagkakahalaga ng mahigit P10 bilyon ang sinarhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Binondo, Manila noong Martes.

Ang laman ng bodega ay kinabibilangan ng counterfeit signature bags, sapatos, damit, kitchenware, electronics, beauty products at iba pang produkto.

Ang bodega ay sinalakay ng mga taga-BOC, sa pangunguna ng CIIS-MICP, sa bisa ng isang Letter of Authority (LOA) na pirmado ni Commissioner Rubio.

Ito ay pagkatapos na makatanggap ng isang derogatory report tungkol sa nasabing bodega ang opisina ni Commissioner Rubio.

Ang mga pekeng produkto ay may tatak na Nike, Coach, Adidas, Guess, Gucci, Louis Vuitton at Dior.

Pagkatapos ng inspeksyon ay sinarhan at sinelyuhan ng mga raider ang bodega.

Ayon kay Depcom Juvymax Uy, ginagamit ng BOC ang lahat ng “resources and tools to thwart attempts to enter huge amounts of counterfeit items into our market.”

Sa pagsasagawa ng raid ay tumutulong sa BOC ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Task Force Aduana of the Philippine Coast Guard.

Malaking bagay ang pagtutulungan ng ibat-ibang opisina ng gobyerno para matigil ang mga kalokohan sa tinatawag na “snake-infested waterfront.”

Hindi ba, Finance Secretary Benjamin Diokno?

***

Bakit kaya sunod-sunod na ang nangyayaring pagpatay sa mga local government officials?

May mga nagsasabing baka may kinalaman na ang mga ito sa parating na 2025 national at local elections.

Dapat maimbestigahang mabuti ang mga patayang ito para makagawa ang concerned government offices at agencies ng measures para hindi na lumala ang sitwasyon.

Sa totoo lang, ayon sa mga opisyal na rekord, talagang mas bloody ang mga lokal na halalan bagamat ang mga kandidato ay halos magkakamag-anak, magkakakapit-bahay at magkakaibigan.

Puwede kayang mas maagang magpatupad ang gobyerno ng total gun ban sa buong bansa para lang mapigilan ang mga nangyayaring pagpatay na ito?

Anong say niyo, Pangulong Bongbong Marcos at PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr.?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected] ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.

AUTHOR PROFILE