Default Thumbnail

KFR, murder suspek sakote sa QC

April 4, 2024 Melnie Ragasa-limena 144 views

SAKOTE sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) noong Lunes ang umano’y utak sa kidnapping-for-ransom (KFR) at pagpatay sa isang chief executive officer ng kompanya ng gamot noong 2022.

Ayon kay QCPD Director, P/BGen Redrico Maranan, naaresto ng mga operatiba ng Novaliches police station 4 ang suspek na si Carlo Cadampog, 35, sa Quirino Highway dakong alas-12:10 ng tanghali noong Lunes, Abril 1.

Base ang pag-aresto kay Cadampog sa warrant of arrest na inisyu ni Judge Nevic Adolfo ng Regional Trial Court Branch 83 sa Tanauan City, Batangas. Walang piyansang inirekomenda para sa pansamantalang paglaya ng suspek.

Kasama ang siyam pang mga kasabwat, idinadawit si Cadampog sa pagpatay kay Eduardo Tolosa, CEO ng Iraseth Pharma Inc., na nawala matapos huling makitang buhay sa Bonifacio Global City, Taguig noong Hulyo 19, 2022.

Noong panahong iyon, may dala umano ang biktima ng P5 .7 milyong cash at dalawang mamahaling relo. Natagpuang sunog sa San Luis, Pampanga ang sasakyan ng biktima.

Sa report, tatlong araw umanong sinunog ang bangkay ni Tolosa sa isang sakahan sa Sto. Tomas, Batangas para itago ang kanilang krimen.

Kinasuhan bilang pangunahing suspek sina Cadampog, kapatid nitong si Cesar, Adrian Joseph Mendez, Richmel Riel Ignilan, Jomer Vizcarra at Aldrin Antonio.

Kinasuhan naman bilang mga ‘accessories’ sina John Benedict Dumalanta, Victor Ferrer, David Gundran Jr. at Melvin Andes.

Sa pulisya, inamin ni Cadampog na alam niyang may warrant of arrest laban sa kanya pero tumanggi siyang magkomento nang tanungin kung bakit siya nagtago.