Default Thumbnail

Kelot timbog sa higit P300K shabu sa Caloocan

April 17, 2023 Edd Reyes 196 views

MAHIGIT P300,000 halaga ng shabu ang nakumpiska ng pulisya mula sa 38-anyos na binata sa ikinasang buy-bust operation Linggo ng madaling araw sa Caloocan City.

Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, ang nadakip na sinasabing “tulak ng shabu,” residente ng San Jose, Bulacan, ay nakatala rin bilang “high-value individual” (HVI) drug personality na nakapagbebenta ng shabu ng higit pa sa 20 gramo, sa area ng Bulacan at Caloocan City.

Ikinasa ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng NPD sa pamumuno ni P/Maj. Dennis Odtuhan ang operasyon laban sa suspek dakong alas-12:05 ng madaling araw sa kahabaan ng Quirino Highway, kanto ng Ascoville, Bgy. 184 makaraan ang mahigit isang linggong pagmamatyag sa kanyang iligal na operasyon.

Pinosasan kaagad ng mga tauhan ni Odtuhan ang HVI nang tanggapin ang markadong salapi mula sa poseur buyer kapalit ng plastic sachet ng shabu.

Narekober ang halos 50 gramo ng shabu na may halagang P340,000 at buy-bust money ayon kay Peñones.

Inihahanda na ng pulisya ang paghahain ng kaukulang kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE