Crime

KELOT DEDO SA ‘BAYAW NA HILAW’

October 26, 2023 Edd Reyes 241 views

TEPOK ang 33-anyos na binata nang barilin ng pulis na live-in partner ng kanyang ate Huwebes ng madaling araw sa Pasay City.

Dead-on–arrival sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Ramon Teves, 33, residente ng B1-11 Don Carlos Village, Brgy. 190 sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan habang sumuko naman sa kanyang mga kabaro ang suspek na si P/SSg Ruel Lacuesta, 45, residente ng Block 1 Lot 4 PLC Magdaong Drive Poblacion, Muntinlupa City at nakatalaga sa Regional Police Holding and Accounting Section ng National Capital Region Police Office (RPHAS-NCRPO), mahigit walong oras makaraan ang pamamaslang.

Sa ulat ni Pasay Police Sub-Station-5 Commander P/Capt. Philadiane Fronee Clemeña kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen Mark Pespes, nagtungo ang pulis sa bahay ng live-in partner niyang si Given Teves, 41, sa Don Carlos Village, dakong ala-1 ng madaling araw nang matuklasan na gusto ng makipagkalas sa kanya ng kinakasama.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang humantong sa pagsasakitan kaya’t nagpasiya ang nakababatang kapatid ng ginang na humingi na ng tulong sa kanilang barangay.

Nang dumating ang mga opisyal ng barangay, dito na nagpuyos sa galit ang pulis at unang binaril ang kanyang kinakasama na masuwerteng hindi tinamaan matapos mabilis na makadapa at isinunod ang bayaw na hilaw na nasapol ng bala sa katawan.

Makaraan ang pamamaslang, tumakas ang suspek dala ang ginamit na baril, kaya’t iniutos kaagad ni BGen. Pespes ang malawakang pagtugis laban sa kanya.

Dakong alas-8:30 ng umaga nang makipag-ugnayan ang suspek kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. at nagpahayag ng pagnanais na sumuko kaya’t pinuntahan siya ng mga tauhan ng Pasay City Police at Southern Police District (SPD) sa Cabuyao, Laguna kung saan siya nagtungo matapos ang krimen.

Alas-9:30 ng umaga nang makipagtagpo ang suspek sa kanyang mga kabaro sa Mamatid-Banlic Road, Cabuyao, Laguna para sa mapayapang pagsuko at pag-surrender sa kalibre .9mm niyang service firearm na may 10 pang bala sa magazine na umano’y ginamit sa pamamaril.

AUTHOR PROFILE