Default Thumbnail

Kaso ng COVID-19 sa Maynila bahagyang tumaas

July 7, 2022 Edd Reyes 179 views

BUNGA ng iniulat na bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Maynila, nagpaalala si Mayor Honey Lacuna-Pangan sa publiko na sundin ang mga panuntunan kaugnay sa pagsusuot ng face masks na nasa ilalim ng umiiral na ordinansa.

Sa ilalim ng Ordinance No. 8627 o ang “Mandatory Use of Face Mask in Public Places”, lahat ng mamamayan na naninirahan sa Lungsod ng Maynila ay inaatasang magsuot ng face mask sa kanilang paglalakad o pagtungo sa mga pampublikong lugar.

Hindi isinaad sa ordinansa kung ano ang dapat na gamiting face mask at sa halip, kahit anong uri ng gamit na makakapagbibigay ng proteksiyon sa sinumang indibiduwal laban sa COVID-19 ay puwedeng gamitin.

Ang mahuhuling lalabag sa naturang ordinansa ay papatawan ng P1,000 multa sa unang pagkakadakip, P2,000 sa pangalawa at kung paulit-ulit ay pagbabayarin ng P5,000 multa o pagkakabilanggo ng isang buwan.

Ayon sa Department of Health (DOH), ilang mga lungsod sa Metro Manila ang nakakaranas ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 na dulot ng pagpasok sa bansa ng ilang uri ng Omicron sub-variants.

Sa datos naman ng Manila Health Department (MHD) na nasa ilalim na pamamahala ni Director Arnold “Poks” Pangan, mula noong Hunyo 28 hanggang Hulyo 7 ng kasalukuyang taon, pumalo sa 21 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala kung saan pinakamarami sa districto ng Sampaloc, sumunod sa Unang Distrito ng Tondo, at sinundan ng distrito ng Malate.

Bunga nito, hiniling ni Mayor Honey Lacuna sa Manila Police District (MPD) na nasa pamumuno ni P/Brig. Gen. Leo Francisco na paigtingin pa ang pagpapatupad ng umiiral na ordinansa upang mapigil ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

AUTHOR PROFILE