Default Thumbnail

Kapakananan ng mga mga guro at estudyante, hangad nina Senators Nancy Binay at Win Gatchalian

July 7, 2022 Marlon Purification 245 views

Marlon PurificationNANAWAGAN sa pamahalaan si Senadora Nancy Binay na tiyaking ‘fully vaccinated’ ang lahat ng guro at mga empleyado ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat sa napipintong pagbubukas ng ‘face to face classes’ sa Nobyembre.

Ang panawagan ng senadora ay kaalinsabay ng panghihikayat ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa lahat ng magulang na ipabakuna ang kanilang mga anak.

“As a parent, syempre, before na mag-full face-to-face sa November, gusto rin natin yung mga teacher at support staff ay bakunado at may booster, trained sila for the new normal, yung classrooms are well-ventilated, health and safety protocols are strictly implemented, maayos ang spacing ng mga estudyante, may tubig at sabon sa wash areas at CR. Ibig sabihin, by September, schools must be ready and compliant,” ani Binay.

Sinabi ni Binay na dapat ding ipatupad ang karampatang ‘testing protocols’ sa lahat mula guro hanggang sa mga mag-aaral.

“Dagdag pa siguro, DepEd must see to it that our teachers and students have the necessary support from the government in terms of testing, na ‘pag may suspected cases or symptoms sa school, free testing and treatment are extended to them,” sabi pa ni Binay.

Kasabay nito, nanawagan din si Binay sa Department of Health (DOH) na madaliin ang pagbibigay ng booster shots sa lahat ng estudyante.

“Yung DOH sana, habang nasa bakasyon ang mga bata, i-fasttrack na nila ang pagbibigay ng booster shots sa 12-17 at doon sa mga younger learners in time for the phasing-in in September,” wika pa niya.

Dapat, maging ang lahat ng local government units ay makipagtulungan sa Department of Education (DepEd) upang masiguro na 100 poriyento na ligtas ang lahat ng paaralan sa kanilang nasasakupan.

“Kailangan ng DepEd na ma-asses ang readiness ng mga private and public schools kung may minimum itong kakayanan to handle a public health situation—na hindi lamang naka-sentro sa COVID—at nakaantabay din ang LGU kung sakaling kailangan ng ayuda,” anang Binay.

Idinagdag nito na tiwala siya sa kakayahan at kagalingan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio upang mapabuti ang sektor ng edukasyon.

“I believe VP Sara has already been fully briefed pagdating sa implementation ng face-to-face classes, and she and the President were given actionable recommendations,” pahabol pa nito.

Samantala, nangunguna sa listahan ng priority bills ni Senator Win Gatchalian para sa sa 19th Congress ang pagsasabatas ng dagdag sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan.

Bukod dito, tatlo pang panukalang batas na may kinalaman sa sektor ng edukasyon ang inihain ni Gatchalian sa kanyang “top 10 bills.”

Kasama sa kanyang listahan ang pagsusulong muli ng pagpaparehistro ng lahat ng subscriber identity module (SIM) card, isang batas na magpapaigting sa proteksyon ng mga konsyumer at merchants sa online transaction.

Kasama rin sa mga pangunahing panukalang batas na kanyang ihahain ang masigurong may mapagkukunan ng sapat na suplay ng kuryente at isang mahusay na sistema ng pamamahala ng basura sa bansa.

“Kasabay ng mga kailangang pagbabago upang mapahusay natin ang kalidad ng edukasyon sa bansa ay ang pagtaas ng sahod ng ating mga guro upang maitaas natin ang kanilang moral at itaguyod ang dignidad ng kanilang hanay,” ani Gatchalian.

Sa kanyang panukalang Teacher Salary Increase Act, itinataguyod ng Senate Basic Education, Arts and Culture Committee Chairperson na itaas ng isang antas ang salary grade ng mga Teacher I, II at III.

Naglatag din ng resolusyon si Gatchalian para magsagawa ng pagsusuri sa Senado ng implementasyon ng K to 12 Law at tukuyin ang mga isyu at hamon pati na rin ang mga posibleng rekomendasyon para mabigyan ng solusyon ang mga ito na bumabalakid sa maayos na pagpapatupad ng tunay na intensyon ng batas.

Isinama rin ni Gatchalian ang kanyang panukala Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act na tutugon sa pagbangon ng krisis sa edukasyon at tutuon sa kakayahan ng mga mag-aaral sa basic subjects na tulad ng Language, Mathematics, and Science. Ang isa pang education priority bill – ang 21st Century School Boards Act – ay magpapaigting sa kapangyarihan ng mga local government kung paano mapapabuti ang kalidad ng edukasyon at pagpapalawak ng paggamit ng Special Education Fund (SEF).

Itinataguyod din ni Gatchalian sa Senado ang isang regulatory framework para sa teknolohiyang Waste-to-Energy (WTE) at iminungkahi rin niya ang pagtatatag ng mga patakaran para masimulan ang paggamit ng mas malinis na pinagkukunan ng enerhiya sa ilalim ng tatawaging Midstream Natural Gas Industry Development Act at Energy Transition Act.

Pang-anim at pampito sa kanyang listahan ng mga dapat isulong na batas ay ang SIM Card Registration Act at Internet Transactions Act.

Sa muling pagsulong ng SIM Card Registration bill ni Gatchalian, ang naunang tagapagtaguyod ng panukalang ito noon siya ay miyembro pa ng House of Representatives, hindi sakop ang registration ng mga social media account sa naturang panukala. Samantala, ang panukalang Internet Transactions Act ay layong magtatag ng E-commerce Bureau sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) na isang one-stop-shop para tugunan ang mga reklamo ng mga konsyumer.

Ang ahensyang ito ay may pangunahing responsibilidad na pangasiwaan ang mga transaksyon sa e-marketplace pati na ng mga e-retailer, online merchant at iba pang digital platforms na ginagamit sa pagbebenta ng mga produkto. Layon din nito na mabigyan ng proteksyon ang mga karapatan at obligasyon ng mga online consumer.

Ang isa pang panukalang batas ni Gatchalian para sa sektor ng enerhiya ay ang Energy Advocate Act. Dito, inuutos ang pagkakaroon ng independent consumer representation sa lahat ng pagtatakda ng bayarin, paggawa ng panuntunan at pagdinig o paglilitis ng mga usaping may kaugnayan sa enerhiya sa mga ahensya ng gobyerno kabilang ang mga judicial at quasi-judicial bodies.