
Kandidatura ni Bam ‘binasbasan’ ni Anne
Matapos magpahayag ang suporta sa X (dating Twitter), nagkaroon din ng pagkakataon ang aktres na si Anne Curtis na personal na ipaabot ang pagsuporta kay dating senador at independent senatorial candidate Bam Aquino sa biglaan nilang pagkikita sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 kamakailan.
Sa ’di-inaasahang pagkikita, pinagtibay ni Anne ang suporta sa kandidatura ni Bam at sa kanyang mga adhikain, partikular na ang Free College Law.
Nagpakuha pa ng larawan ang aktres kasama ang politiko habang naka-No. 5 sign bilang kanyang pag-endorso.
Ibinahagi rin ni Anne ang naturang litrato sa Instagram bilang bahagi ng kanyang “So MARCH fun” carousel album na may caption na, “bumped into someone I’m voting for!”
Ito na ang ikatlong pagpapahayag ng suporta ng aktres sa kandidatura ni Bam. Una niya itong ginawa nang sumagot siya ng “Yes!!” sa tweet ng stand-up comedian na si Alex Calleja na humihimok sa mga botante na isama si Bam sa listahan ng mga iboboto sa darating na halalan.
Ni-retweet din niya ang post ni Bam sa X tungkol sa hangaring mapaunlad ang buhay at mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga pamilyang Pilipino.
Sa isang Facebook post naman, pinasalamatan ng politiko ang aktres sa patuloy na pagsuporta.
“Masaya akong nakasalubong at nakakwentuhan ka nang saglit sa airport habang papunta sa kanya-kanyang mga flight natin! Your support means a lot to us at sa ipinaglalaban natin sa ating kampanya.
“Ipapanalo natin ang laban na ito para sa madlang pipol at sa bawat pamilyang Pilipino! Libreng Kolehiyo, Siguradong Trabaho! God bless you, Anne!” ani Bam.
Bukod kay Anne, ang ilan pang personalidad na sumusuporta rito ay sina Edu Manzano, Dingdong Dantes, rapper/actor/director/vlogger Pio Balbuena, Bea Binene, Janine Gutierrez at talent manager/vlogger Ogie Diaz. Noel Orsal