Posas

Kandidato tiklo sa air gun

September 1, 2023 Steve A. Gosuico 222 views

CABANATUAN City–Nasakote ng mga pulis ang isang kandidato sa pagka-barangay kagawad dahil sa dalang air gun habang dalawa namang lalaki ang nahuli sa pag-iingat ng illegal na droga sa Nueva Ecija noong Huwebes.

Sukbit pa ng 53-anyos na kandidato sa kanyang likuran ang air gun nang mahuli na may dalang airgun sa Bgy. Pinili, San Jose City, Nueva Ecija, ayon kay police head Lt. Col. Ariel V. Enriquez.

Nasakote ang suspek sakay ng kanyang Honda Wave sa checkpoint ng Comelec sa San Jose-Rizal Road sa Bgy. Villa Joson alas-9 ng umaga.

Nakuha rin sa suspek ang limang air gun pellets at isang oxygen tank.

Sa Gapan City, nasakote ng mga anti-illegal drugs operatives sa ilalim ni police head Lt. Col. Wilmar M. Binag ang isang 41-anyos na tricycle driver matapos magbenta ng shabu na nagkakahalaga ng P2,500 sa isang undercover na pulis sa Bgy. San Vicente alas-4 ng umaga.

Nakuhahan din ang naarestong suspek, ng Purok 3, Bgy. Tabuating, San Leonardo, ng isang cal. 38 revolver, apat na bala at limang plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P13,600.

Sa isa pang buy-bust sa Bgy. La Torre, Talavera na pinamunuan ni Major Domingo A. Resma Jr., arestado ang isang 52-anyos na lalaki sakay ng Honda CRV.

Nagtangka pang tumakas pero na-flag down sa checkpoint ng Commission on Election bandang 7:50 ng gabi.

Nakuha sa kanya ang isang cal. 45 pistol na may limang bala at 13 sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P3,808.

AUTHOR PROFILE