Kaka –proud si Sen. Sonny Angara
TALAGA namang nakaka-proud para sa ating mga Pilipino na ang isang senador natin ay naimbitahang magsalita sa mga mag-aaral ng Standford University.
Ang Standford University ay isa sa leading teaching at research institutions sa buong mundo.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga mag-aaral ng Stanford University, ibinahagi ni Senador Sonny Angara ang mga kritikal na usapin hinggil sa ekonomiya ng Pilipinas.
Ang talumpati na ginanap via Zoom ay sumentro sa kung paanong nagagawang progresibo ng isang bansa ang takbo ng kanyang ekonomiya at kung paano ito nagiging benepisyal sa publiko, partikular sa maralitang sektor.
Inihalimbawa ni Angara ang estadong ekonomikal ng Pilipinas na para sa mambabatas, kung hindi lamang dahil sa pandemya ay posibleng tuluy-tuloy na ang pag-alagwa mula pa sa mga nagdaang administrasyon.
Katunayan, mula 2010 hanggang 2019, base sa datos ng World Bank, nakapagtala ng 6.39% average GDP growth ang bansa. Nagsimula nga lamang itong manlumo, ayon sa senador, dahil sa negatibong epekto ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Idinagdag pa ni Angara na mahalaga na sa kabila ng ganitong pagkakataon ay nasa wastong takbo pa rin ang estadong pinansiyal ng bansa.
Binigyang-diin ng senador na mula pa sa mga nagdaang administrasyon, naging maayos ang pagmamantina ng gobyerno sa debt-to-GDP ratio nito.
Dahil dito, ayon kay Angara, naging positibo ang pananaw ng malalaking credit rating agencies sa bansa at itinalaga pang investment-grade ang Pilipinas sa kabila ng kasalukuyang pandemya.
Ipinagmalaki rin ni Angara na dahil sa maayos na pagpapatakbo sa estadong pinansiyal ng bansa, napaglaanan ng kaukulang pondo ang mga pinakamahahalagang sangay ng lipunan tulad ng edukasyon, kalusugan at suporta sa mga programa laban sa matinding kahirapan.
Kabilang sa mga ito ang pagpapalawak sa conditional cash transfer program para sa pinakamahihirap na pamilya, universal healthcare, libreng matrikula sa mga state colleges and universities at social pensions o cash transfers para sa mahihirap na senior citizens.
Gayunman, sa kabila nito at sa malakas na ekonomiya nitong mga nagdaang taon, nanatili ang ilang suliraning humahadlang sa pangkalahatang pag-unlad.
Kabilang anya rito ang mababang pasahod sa mga manggagawa, mataas na bilang ng mga walang trabaho, at ang hindi patas na distribusyon ng pag-unlad sa mga kanayuhan at sa mga karatig lalawigan ng Kalakhang Maynila.
Ayon kay Angara, nang maisabatas ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o ang TRAIN Law noong 2017, nabigyang-diin din ang kahalagahan ng economic complexity ng isang bansa, na palatandaan kung ito ay may kakayahang umunlad.
Sa pamamagitan anya ng tamang implementasyon ng economic complexity framework, masasagot ang matagal ng problema ng bansa tulad ng mababang pasahod, kawalan ng trabaho, outward migration ng mga propesyonal na Piipino, at ang kahirapan sa mga kanayunan dahil sa centralized economic structure.
Isa ang inisyatibo ng senador na Tatak Pinoy upang aniya’y mabigyang pagkakataon ang mga lalawigan sa bansa at ang maliliit na entrepreneurs (MSMEs) na maging aktibo sa kalakalan, na magiging daan din sa paglikha ng mga trabaho.
Sa kanyang pahayag, mariing sinabi ni Angara na ang paglusog ng ekonomiya at pag-unlad ng isang bansa ay hindi lamang dapat ekslusibong kredito ng isang sektor kundi ng kabuuan nito.
“Hindi lang iisang sektor ang dapat nating tanawan ng utang na loob sa ating pag-unlad. Ibigay natin ang pasasalamat dahil sa kolektibong pagsisikap ng bawat isa. Sa huli, hindi lamang iisa ang uunlad – hindi lamang ikaw o ako, kundi tayong lahat,” saad pa ng senador.