Medyo kinulang si Sec. Tugade
IPINAGMAMALAKI ni Transport Secretary Arthur Tugade na bumuti ang kalagayan ng trapiko partikular sa EDSA. Mabuti naman at binanggit niya ang mga ginagawa ng administrasyong Duterte para dito.
Pero mukhang nakalimutan ni Sec. Tugade na nasa lockdown at quarantine hindi lamang ang Metro Manila kundi ang iba pang lugar sa buong bansa mula pa noong nakaraang taon kung saan nagkaroon tayo ng transport restrictions. Gayundin, naka work from home ang marami at marami din ang nawalan ng trabaho.
At ngayon na nasa panibago tayong extension ng quarantine sa Metro Manila, inaasahan natin na mananatiling limitado ang mga motorista at mga pasahero hindi lamang sa Edsa kundi sa buong Metro Manila at mga kalapit-lugar na kasama na ‘NCR Plus Bubble’ (Laguna, Cavite, Rizal, Bulacan).
Maging ang naging proyektong nitong EDSA busway project na nagpabilis umano sa byahe sa dating tatlong oras na ngayon ay 45 minuto na lamang ay mahirap pang maramdaman dahil iba ang sitwasyon sa panahon na walang lockdown o pandemya.
Bagamat hindi maitatanggi na may mga proyekto at programa ang administrasyong Duterte pagdating sa pagpapabuti ng trapiko partikular sa Metro Manila, hindi magiging accurate ang epekto nito sa panahon na may lockdown at limitado ang galaw ng mga motorista at publiko.
Hindi natin alam kung paano nakuha ni Sec. Tugade ang ganitong konklusyon na bumuti ang lagay ng trapik sa Edsa na kinakalimutan ang kasalukuyang sitwasyon na tayo ay nasa pandemya. Ang ganitong pahayag ay sadyang kulang-kulang at mahirap paniwalaan.
Sa ganang atin ay sadyang isang masalimuot pa ring usapin ang trapik sa Metro Manila partikular sa EDSA sa isang bansa na patuloy na dumadami ang populasyon at tumataas ang demand para sa mass transportation.
Isama pa dito na hindi nababawasan, bagkus, nadaragdagan pa ang mga pribadong sasakyan sa kalsada. Isama pa natin ang mga pasaway at walang disiplina na mga driver sa kalsada. Ang dami nyan!
Gayunpaman, ang malinaw ay ang mga proyektong nakatulong sa transportasyon ng administrasyong Duterte partikular sa Metro Manila gaya ng pagbubukas ng Skyway 3.
Isang malaking tulong ang ganitong proyekto para sa mga motorista at tiyak na may epekto sa trapiko.
Inaasahan din natin na masisimulan ang kauna-unahang subway sa Metro Manila na napagkasunduan nina Japan Prime Minister Shinzo Abe at Pangulong Duterte ang loan para dito sa halagang P350 bilyon. Inaasahan natin na matatapos ang proyekto sa taong 2025. Kumusta na kaya ang proyektong ito?
Kung ipagmamalaki natin ang isang bagay o trabaho, ipagmalaki natin ito sa tamang konteksto. Dahil ang mga pahayag na gaya ng kay Sec. Tugade ay hindi lamang kaduda-duda kundi kundi katawa-tawa.
At bago pala tayo magtapos, ‘quick recovery’ kay BOC deputy commissioner for intelligence, Raniel Ramiro, na kasama na rin pala sa mga nabiktima ng COVID-19.
Wala na tayong maipayo pa sa kanya kundi, ‘Ivermectin’ at ‘whiskey’ lang ang katapat n’yan, hehehe! Get well soon, D