Default Thumbnail

Kahit hubaran pa ang mga bantay sa airport!

March 8, 2023 Allan L. Encarnacion 213 views

Allan EncarnacionBAWAL na raw magsuot ng jacket at mga unipormeng may bulsa ang mga miyembro ng airport security.

Ito ang naisip na solusyon ni MIAA General Manager Cesar Chiong sa serye ng pagnanakaw ng pera, wallet at relos ng ilang tiwaling OTS member sa mga turistang dumarating sa bansa.

Ano kaya ang susunod na ipagbabawal? Ang magsuot ng damit? Ang magsuot ng pantalon?

Sorry, GM Chiong, kahit hubo’t hubad pa ang pagbantayin natin sa mga screening area ng ating mga airport ay magkakaroon pa rin ng nakawan kung ang ugali ng mga maitatalaga natin ay likas na tulisan!

Hindi pangkaraniwan ang nakawan mo ang mga turista or pasaherong dadaan sa iyong harapan, lalo na kung ikaw ay nakatalaga sa mismong pintuan ng ating bansa. Nagagawa lang ito ng mga taong sagad sa kawalanghiyaan at iyon na talaga ang kanilang way of life.

Hindi na rin sila naiiba sa mga snatcher sa Quiapo at Sta Cruz or mga mandurukot sa mga bus at sa mga MRT, LRT. Kapag may pagkakataon, tumitira!

GM Chiong, ang kailangan natin ay magkaroon ng value reformation sa mga frontliners natin sa airport at alisin na ang mga nagkaroon ng ganitong kaso ng pagnanakaw.

Hindi sapat na solusyon sa nakawan ang hubaran lang sila o mag-change costume dahil magpapatuloy ang problema kung ganito ang ugali ng mga nasasangkot sa nakawan.

Nakakalungkot ito para sa reputasyon ng bansa, Mr. GM.

Attention DOTr Secretary Jaime Bautista, masyado nang maraming problema sa iyong departamento.

***

Matagal nang problema ng gobyerno ang phaseout ng mga luma at kakarag-karag na pampasaherong jeep.

Sa planong isang linggong strike ng mga jeepney drivers, mas napadali ang solusyon ng pamahalaan.

Kung ayaw na nilang bumiyahe, huwag na silang pabalikin sa kalsada dahil ang pagwewelga ay hindi kasama sa pribiliheyo nang bigyan silang ng prangkisa ng gobyerno.

Wala namang masama sa modernisasyon, lalo na’t sangkatutak pa rin ang dispanglihadong mga jeep na bukod sa mga walang headlights, gegewang-gewang na mga gulong, matindi pa rin magbuga ng mga maiitim na usok ang kanilang tambutso.

Kung talagang magkakaisa lang ang mga ahensiya ng gobyerno, kasama na barangay at mga mayors, hindi naman maapektuhan ang mga pasahero kung lahat sila ay maglulunsad ng libreng sakay. Tambakan lang ng gobyerno ng libreng sakay ang ating mga kalsada, hindi na makakaapekto ang welga ng mga pampasaherong jeep.

Tingnan natin kung hiindi sila magmakaaawang makabalik sa biyahe kapag talagang tama ang aksiyon ng pamahalaan sa kanilang pangho-hostage sa mga kababayan nating umaasa sa kanilang serbisyo.

***

Win-win solution ang plano ni LTO Chief, Atty. Jay-art Tugade na magbigay ng mga libreng theoritical exams sa mga aplikante at renewal ng lisensiya ng mga tsuper.

Malaking kabawasan ito para sa charge ng mga private driving school na umaabot sa P9,000 para sa theorical at practical/actual driving test.

Bagama’t hindi pa naman final ang P9K, maganda na rin ang programang ito ng LTO para sa libreng pag-aaral ng mga aplikante. Hindi naman puwedeng balikatin ng LTO ang actual driving lesson sa mga aplilkante dahil kailangan ng sasakyan, gasolina at manpower.

Tama naman ang plano ni Asec Tugade na magkaroon ng standard pricing at affordable rates ang mga driving school para hindi maging mabigat para sa mga kababayan nating gustong magkalisensiya.

[email protected]