Julie Anne at David umamin na posibleng mauwi sila sa totohanan

May 6, 2021 Eugene E. Asis 515 views

MALAKAS ang chemistry ng tambalan nina Julie Anne San Jose at David Licauco sa romance drama series ng GMA na ‘Heartful Café.’

May kilig silang dala sa fans at netizens bilang Heart Fulgencio at Ace Nobleza sa Kapuso serye. Ayon sa isa, “Nakakakilig kayong dalawa walang araw na hindi ako nakangiti at kinikilig tuwing Heartful Cafe na.”

Marami rin ang nakakapansin na parang hindi na akting ang closeness nina Julie at David. “Minsan parang ‘di na scripted ang kilig nina Heart and Ace,” ayon naman sa isang post.

Marami ngayon ang nagtatanong kung posible nga kayang mauwi sa totohanan ang kanilang tambalan?

Sagot ni Julie, “Ako, never naman ako naging sarado. I mean, I’m open to any possibility naman. And, yes. If there’s a chance to get to know him more, I mean, why not?”

Biro (o totoong sabi) naman ni David, “Ang tagal ko na ngang inaaya si Julie. Nasa sa kaniya na lang kung oo o hindi.”

Napapanood ang Heartful Cafe, weeknights, pagkatapos ng First Yaya, sa GMA-7 at GMA Heart of Asia.

Mga kwentong nanay bibida sa Cinema One

SA pagdiriwang ng Mother’s Day ngayong Mayo, mapapanood ang iba’t ibang kwento tungkol sa ating mga ilaw ng tahanan sa Cinema One na siguradong tatagos sa puso ng mga manonood.

Handog ng Mother’s Day Weekend Special ng cable channel ang mga hindi malilimutang pelikula tulad ng “Ina, Kapatid, Anak,” “A Mother’s Story,” “Sa’Yo Lamang,” “Tanging Yaman,” at “Anak” sa Sabado (May 8). Nariyan din ang Mama’s Girl,” “The Mommy Returns,” “Madrasta,” “Ang Tanging Ina,” at “Everything About Her” na eere naman sa Linggo (May 9).

Mga kwelang pelikula naman ang bibida sa Tuesday Comedy tampok ang “Unexpectedly Yours” ni Sharon Cuneta (May 11), “D Lucky Ones” nina Pokwang at Eugene Domingo (May 18), at “Momzillas” nina Maricel Soriano at Eugene (May 25).

Mapapanood naaman sa C1 Exclusives section ng Cinema One ang “Ang Nerseri” ni Jaclyn Jose (May 9), “Mater Dolorosa” ni Gina Alajar (May 16), “Foster Child” ni Cherrie Pie Picache (May 23), at “Sandalang Bahay” (May 30).

Samantala, bilang selebrasyon pa rin ng Mother’s Day, mapapanood nang libre ang award-winning film na “Mamu: And A Mother Too” ni Iyah Mina sa Cinema One YouTube channel simula May 9 to 15.

All-Out Sundays may Mother’s Day celebration

MAY selebrasyon ng Mother’s Day ngayong Linggo (May 9) kasama ang paboritong Kapuso stars at ilang guests sa GMA musical variety show na ‘All-Out Sundays.’

May inihandang all-out performances sina Alden Richards, Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Barbie Forteza, Ruru Madrid, Christian Bautista, Mark Bautista, Ken Chan, Rita Daniela, Aicelle Santos, Miguel Tanfelix, Kyline Alcantara, at Mavy Legaspi.

Makikisaya rin sa party sina Golden Canedo, Jeremiah Tiangco, Jessica Villarubin, Thea Astley, Garrett Bolden, Kim De Leon, Lexi Gonzales, Bugoy Drilon, at Rochelle Pangilinan.

May inihandang performance sina Christian at Mark para kina Aiko Melendez at Gelli de Belen sa ‘Mommy Day Party.’

May special playlist at touching messages naman na handog ang ‘Divas of The Queendom’ na sina Julie Anne, Aicelle, Rita, Jessica, Thea, Jennie Gabriel, at Ms. Lani Misalucha.

Hatraw naman sina Rayver, Miguel, DJ Loonyo, at Mannex Manhattan sa isang all-out Cypher showdown kasama ang Sexbomb moms na sina Rochelle at Izzy Trazona.

May tribute rin para sa kanilang mga nanay ang OGs na sina Rayver, Ken, Ruru, Miguel, Derrick Monasterio, at Kristoffer Martin.

Samantala, may bigating performance ang Billboard Music Awards 2021 Top Social Artist nominee na SB19 ng kanilang latest single na ‘What?’

Magpapatuloy naman ang search para sa perfect match sa romantic musical comedy na ‘Love Doctors’ kasama sina Paolo Contis, Rhian Ramos, Denise Barbacena, Kristoffer, Betong Sumaya, Jennie, at Tuesday Vargas.

Mapapanood ngayong Linggo ang ‘All-Out Sundays’, 12 nn, sa GMA-7 at GTV, gayundin sa official social media pages ng GMA Network.

Centerstage babalik na

MAGBABALIK-telebisyon na ang world-class singing competition for kids ng GMA Network na Centerstage simula ngayong Linggo, Mayo 9.

Tatlong linggo ring pansamantalang hindi napanood ang programa bilang pag-iingat sa pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa. Sa pagbabalik ng Centerstage, inaasahang mas matinding biritan ang ipamamalas ng kiddie contestants, na ikatutuwa ng judges na sina Concert Queen Pops Fernandez, Soul Diva Aicelle Santos, at Maestro Mel Villena, gayundin ng nakakaaliw na tandem ng hosts na sina Asia’s Multimedia Star Alden Richards at comedian Betong Sumaya.

Samantala, nananatiling defending champion ang young ukulele player mula sa Obando, Bulacan na si Oxy Dolorito. Ang Centerstage ay mapapanood ngayong Linggo, 7:40 PM, bago mag-KMJS sa GMA.

Tanong tugkol sa COVID-19 sinasagot ng ‘PPE: Pinoy Pandemic Essentials’

MAGANDA ang bagong campaign ng GMA News and Public Affairs na “PPE: Pinoy Pandemic Essentials” dahil layunin nitong sagutin ang mga simple pero importanteng tanong ukol sa COVID-19.

Dahil sa patuloy na pagdami ng variants ng virus, mahalagang maging informed ang publiko sa mga basic information tungkol sa COVID-19. Maiikling video ang mapapanuod sa GTV at sa social media accounts ng GMA News at Public Affairs at si Atom Araullo ang boses sa likod ng bawat video.

Nitong Miyerkules (May 5), ipinalabas na ang unang video na “May COVID Ba Ako?” na sinasagot ang simpleng katanungan: Paano nga ba masasabing positibo sa COVID-19 ang isang tao? Maraming sintomas ang COVID-19, kaya naman layunin ng PPE na ipaalala sa publiko na ‘wag balewalain ang simpleng karamdaman.

Ilan pa sa mga topic na dapat abangan sa mga susunod na araw ay ang “Close Contact Ba Ako?”, “Saan Puwedeng Magpa-Swab?”, “Negative Ba Ako o Positive?”, “Dapat Ba Akong Magpabakuna?”, at “Tayo-Tayo Lang Naman, Diba?”

AUTHOR PROFILE