Joey

Joey, natatawa at natutuwa sa isyu ng ‘rebranding’: Kasi pinag-uusapan pa rin kami hanggang ngayon! Thanks!

March 3, 2023 Ian F. Fariñas 427 views

ACTUALLY, natatawa at natutuwa ako sa mga pangyayari kasi pinag-uusapan pa rin kami hanggang ngayon! Thanks!”

‘Yan ang maikling reaksyon sa Instagram kahapon ng veteran TV host-comedian Joey de Leon sa mainit na balita kaugnay ng trending topic at sinasabing “rebranding” ng 44-year-old na Eat Bulaga.

Tinag pa ni Joey ang IG accounts nina Pauleen Luna (misis ni Vic Sotto) at Helen Gamboa (maybahay naman ni dating Senador Tito Sotto).

Sa tatlong poste ng EB, tanging si Vic lamang ang live na napanood sa 28th birthday episode ni Maine Mendoza. Wala sina Tito at Joey, na kaka-celebrate lang ng 40th anniversary nila ng misis na si Eileen Macapagal.

Nagimbal nga ang fans ng EB sa napapabalitang gulo sa longest-running noontime show dahil umano sa “rebranding” na planong gawin ni dating kongresista Romeo Jalosjos.

Si Mr. Jalosjos ay isa sa founders at partners ni Antonio “Tony” Tuviera sa TAPE, Inc., producer ng EB.

Anang isang source, na-meeting na nga ni Mr. Jalosjos ang Dabarkads at present doon si Mr. Tuviera, pati na sina Tito at Vic. Pero wala si Joey.

Pinatatalsik diumano ni Mr. Jalosjos si Mr. Tuviera kasabay ang TVJ. May nabanggit din ang source tungkol sa akusasyon ng pagiging “mismanaged” umano ng sikat at top-rating noontime show.

Pati mga empleyado ng TAPE, pinag-mass resignation daw.

Ayon naman sa isa pang reliable source, matagal nang retired si Mr. Tuviera. Nag-stay lang ito bilang consultant ng programa na ibang tao ang nagpapatakbo.

Dahil sa pagpapaalis sa kinikilalang “ama” ng Bulaga, balitang mag-aalisan na rin ang iba pang co-hosts maliban kina Jose Manalo, Wally Bayola at Allan K. na pinag-i-stay ni Mr. Jalosjos para sa bagong show.

Sa pagkakaalam ng source ng People’s Tonight, hanggang 2024 ang kontrata ng Bulaga sa home network na GMA-7.

Kaya ‘pag umalis sina Mr. Tuviera at ang TVJ, patuloy na mapapanood ang bagong show sa Kapuso network habang ang TVJ naman ay sinasabing magkaka-show sa Net25.

As we all know, may kanya-kanyang programa ang tatlo sa istasyon na pinamamahalaan ni Caesar Vallejos.

Ngayon pa lang daw, naghahanda na si Mr. Vallejos sa posibleng paglipat ng TVJ at Dabarkads sa Eagle Broadcasting Corp.

Samantala, sa isang makahulugang video post sa Instagram recently, makikita ang TVJ na kinukunan ng mensahe ni Ryan Agoncillo.

Sa tanong ng mister ni Judy Ann Santos kung ano ang nagpapasaya sa mga ito nu’ng araw na ‘yon, sinabi ni Vic na, “Sa akin, nagpapasaya mga kaibigang katulad mo. Na sana pauwi na ‘ko, pero nagkukuwentuhan pa rin tayo.”

Sey naman ni Joey, “Ako, sa akin, simple lang. Nagpapasaya na magkakasama pa tayo. Sana laging ganito, araw-araw, forever and ever. Amen.”

Pagdating kay Tito, “Ang nagpapasaya sa akin sa araw na ito at tuwing Sabado ay nakakapasok ako sa Eat Bulaga. Therapy, lalo na nu’ng panahon na ako’y maraming trabaho sa labas, gaya sa Senado. Nakakatulong sa aking, ‘ika nga’y kasiyahan.”

Pahabol ni Joel, “Naisip ko lang, ang nakakapagpasaya sa akin ngayon at maybe kahit bukas at sa isang araw, dalawang bagay: TV saka TVJ. ‘Di ba, ang ganda?”

Na sinang-ayunan naman ni Vic ng, “Sa madaling salita, Dabarkads.”

Kung paniniwalaan ang bali-balita, Dabarkads daw ang napipisil na gawing titulo ng bagong show na pagsasamahan ng TVJ at ng former EB mainstays.

Kaya, abangan…

AUTHOR PROFILE